906 total views
Ang kahirapan ay isa sa pinakamalaking hamon na kinakaharap ng Pilipinas ngayon. Sa kabila ng paglago ng ekonomiya ng bansa sa nakalipas na ilang taon, laganap pa rin ito at patuloy na binabaon ang mga Pilipino.
Ang pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay nagpapakita na ang poverty incidence sa bansa ay nasa 18.1%. Halos 20 milyong Pilipino lamang ang nakakatugon sa poverty threshold na P12,030 kada buwan para sa limang miyembro na pamilya. Laganap ito sa mga rural na lugar, kung saan ang malaking mayorya ng populasyon ay umaasa sa agrikultura.
Ang mga pangunahing sanhi ng kahirapan sa Pilipinas ay marami at magkakaugnay. Isa sa mga pangunahing salik ay ang kakulangan ng mga oportunidad sa trabaho at kung meron man, napakababa naman ng suweldo. Karamihan pa sa ating manggagawa ay nasa impormal na sektor, kung saan wala silang access sa mga benepisyo at seguridad sa trabaho. Ito, kasama ang mababang sahod, ay nagpapalaki ng proporsyon ng ating populasyon na nabubuhay sa kahirapan.
Ang isa pang dahilan ng kahirapan sa Pilipinas ay ang hindi pantay na pamamahagi ng yaman o unequal distribution of wealth. Ang bansa ay may mataas na konsentrasyon ng kayamanan sa mga kamay ng iilan lamang, habang ang malaking bahagi ng populasyon ay nagpupumilit lang matugunan ang mga pangangailangan. Walang bwelo ang maralita upang maka-ahon sa buhay dahil sagad sagad na ang kita nila.
Ang laki at lawak ng epekto ng kahirapan sa mga Filipino. Hindi lamang ito nadadama sa kasalukuyan. Ang galamay ng kahirapan ay umaabot hanggang sa hinaharap o future ng maraming mamamayan. Nakakaapekto ito sa kanilang kalusugan, edukasyon, at pangkalahatang kagalingan. Ang mga batang nabubuhay sa kahirapan ay mas malamang na magdusa mula sa malnutrisyon, at mas maliit ang posibilidad na pumasok sa paaralan at makatanggap ng de-kalidad na edukasyon. Ang kahirapan ay nakakaapekto rin sa mental at emosyonal na kapakanan ng mga indibidwal, gayundin sa kanilang mga relasyon at komunidad. Ang mga taong nabubuhay sa kahirapan ay mas malamang na makaranas ng stress at depresyon. Maaaring magpalala pa ito sa mga epekto ng kahirapan.
Sana’y mawaksi na natin ang siklo ng kahirapan sa ating bayan. Sabi nga sa Deus Caritas Est “Wala dapat puwang ang kahirapan na nagnanakaw ng dignidad ng tao sa isang komunidad na nanalig sa Diyos.” Ang pagtugon sa kahirapan ay nangangailangan ng komprehensibo at patuloy na pagsisikap nating lahat – ng gobyerno, NGOs, at pribadong sektor. Ang gobyerno ay dapat lumikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho, taasan ang minimum na sahod, at pagbutihin ang access sa mga pangunahing serbisyo sa mga rural na lugar. Ang pribadong sektor ay maaaring gumawa ng mga hakbang upang mabawasan ang kahirapan at mas dumami pa ang mga oportunidad sa lipunan. Maaaring magbigay suporta ang civil society sa pamamagitan ng mga programa sa edukasyon at pagsasanay, pati na rin ang pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo tulad ng kalingang pangkalusugan at pagkain. Sa ating pagtutulong-tulong, maaaring malampasan ng Pilipinas ang kahirapan at makalikha tayo ng isang mas maliwanag na kinabukasan para sa ating bayan at sa lahat ng mga mamamayan nito.
Sumainyo ang Katotohanan.