412 total views
7th Sunday Ordinary time Cycle A
Lev 19:1-2.17-18 1 Cor 3:16-23 Mt 5:38-48
Si Moises ay ang kilalang mambabatas sa Israel. Ibinigay ng Diyos ang kanyang batas sa mga Israelita sa pamamagitan ni Moises. Alam ng marami sa atin ang Sampung Utos. Pero hindi lang ito ang iniutos ng Diyos. Ngayon narinig natin ang sabi ng Panginoon kay Moises: “Sabihin mo sa buong kapulungan ng Israel.” Pansinin natin: ang utos na ito ay hindi lang para sa iilan o para sa isang grupo o isang tribu kundi para sa buong kapulungan ng Israel. Ito ay para sa lahat. Kaya ang utos na ito ay para din sa atin. Ang utos ay: ‘Magpakabanal kayo!” Ito ay isang utos, hindi ito isang pakiusap. “Magpakabanal kayo!” At ano ang dahilan ng ganitong utos? “Kasi akong Panginoon ninyo ay banal.” Hindi tayo makalalapit sa Diyos na banal kung hindi tayo banal. Hindi optional ang pagiging banal. Ito ay dapat gawin. Kung hindi tayo makalalapit sa Diyos, bigo ang ating buhay. Balewala ang mga pagsisimba at pagdarasal natin. Maging banal tayo!
Paano ba maging banal? Ang kadalasang naiisip natin para maging banal ay maging madasalin, maging mapagsimba, mag-alay sa simbahan. Sa maikling salita, magkaroon ng mahigpit na kaugnayan sa Diyos. Pero hindi yata ito ang paraan. Ang sumunod na mga salita ng Diyos ay: “Huwag kang magtatanim ng galit sa iyong kapwa… huwag kang maghihiganti …. Ibigin mo ang iyong kapwa tulad ng iyong sarili.” Oo, kailangan nating magkaroon ng kaugnayan sa Diyos ngunit mahalaga rin o mas mahalaga pa nga, na magkaroon ng maayos na kaugnayan sa ating kapwa. Hindi natin maiibig ang Diyos na hindi natin nakikita kung hindi natin minamahal ang kapwa na nakikita natin. Madalas, ang tunay na pag-ibig sa Diyos ay napapakita natin sa ating pag-ibig sa kapwa. Kaya sinulat ni Santiago: “Ang pagiging relihiyoso na dalisay at walang dungis sa harap ng ating Diyos at Ama ay ang pagtulong sa mga ulila at sa mga biyuda, at pag-iingat sa sarili upang huwag mahawa sa kasamaan ng mundong ito.”
At ang kapwa na iibigin natin ay hindi lang iyong nagmamahal sa atin. Hindi lang iyong bumabati sa atin. Kasama ng kapwa na iibigin ay ang kaaway, iyong naninira sa atin, iyong umuusig sa atin. Madaling umibig sa mga kaibig-ibig, sa mga mabait at tumutulong sa atin, sa mga kamag-anak o kabarkada natin. Ginagawa naman ito ng lahat, kahit ng masasamang tao. At bakit mamahalin natin ang hindi natin kaano-ano o iyong mga komokontra sa atin? Kasi ganyan ang ating Diyos na itinuring nating Ama. Ang ulan, init, hangin at pagkalinga niya ay para sa lahat. Kapag umulan, ang bukid ng mga nagsisimba at hindi nagsisimba ay nababasa. Ang sariwang hangin ay nagpapaginhawa sa mga nagdarasal at hindi nagdarasal. Dapat nating tularan ang pagkilos ng ating Ama. Wala siyang pinipili sa kanyang pinagbibigyan. Huwag din tayong maging mapili sa mamahalin natin. Iyan ang ibig sabihin ng pagiging ganap tulad ng ating Amang nasa langit.
Paano natin magagawa na ibigin ang kaaway o ang gumagawa ng masama sa atin? Hindi natin ito naiintindihan kasi ang pag-ibig na iniisip natin ay nakabase lamang sa damdamin. Ito iyong pag-ibig na prino-promote ng Valentine’s Day – pag-ibig na galing sa magandang damdamin at sa attraction natin sa isa’t-isa. Siyempre hindi maganda ang damdamin natin sa mga komokontra sa atin. Hindi tayo attracted sa kanila. Nilalayuan pa nga natin sila. Pero ang tunay na pag-ibig ay hindi lang nanggagaling sa damdamin. Ito ay galing din sa kalooban. Ginugusto nating gawin kahit na hindi ayon sa ating damdamin. Hindi lang tayo nagpapadala sa damdamin, ine-educate din natin ang ating damdamin.
Ang pag-ibig sa kaaway ay nangangahulugan na huwag natin silang paghigantihan. Huwag natin ibalik sa kanila ang kanilang ginagawa sa atin. Huwag silang murahin kasi minura nila tayo. Huwag natin suntukin kasi sinusuntok tayo. Kung gagawin natin iyan, away ang kalalabasan niyan. Maging handa tayong i-absorb ang kasamaan laban sa atin. Parang hindi yata ito ang karunungan ng mundo. Ang karunungan ng mundo ay maghiganti at bawian sila. Kaya hindi natatapos ang mga digmaan sa mundo. Bawian lang, ang matitira ay ang may maraming armas, may mas maraming bomba at kakampi. Kaya hindi natatapos ang digmaan sa Ukraine, o ang labanan ng military at ng NPA. Hindi sila nagne-negotiate habang may laban pa. Parang ang negotiation ay tanda ng kahinaan, na sa totoo lang ito ang daan sa tunay na karunungan na magdadala ng kapayapaan.
Ang unang hakbang sa pag-ibig sa kapwa ay huwag maghiganti. Ang pangalawa ay ipagdasal ang kaaway. Sa pagdarasal sa umuusig sa atin binabago natin sila at binabago natin ang ating pagtingin sa kanila. Ang pagdarasal sa iba ay ibig sabihin we wish them well. Gawin natin ito, hingin natin na maging maayos sila kahit na hindi ito bukal sa kalooban natin. Hindi tayo nagiging plastic dito. Nilalabanan lang natin ang masasamang damdamin natin sa iba. Sa patuloy na pagdarasal para sa kanilang kabutihan nagbabago ang ating damdamin sa kanila. Naranasan ko ito. Nagkaroon ako ng galit sa isang kababata ko noon dahil sa nayayabangan ako sa kanya at na-iinggit din. Araw araw ko siyang pinagdarasal. Sa katagalan ng panahon nawala na ang galit ko at naging maganda na ang loob ko at pakikitungo ko sa kanya. Binago ako ng aking panalangin.
Pangatlo, gawan natin sila ng kabutihan. Sinabi sa Bible, kapag nakita mo ang asno ng iyong kaaway na nadapa dahil sa mabigat na dalahin, tulungan mong makatayo ito.
Huwag nating antayin na magbago ang loob natin para mahalin ang kapwa. Huwag nating antayin na mapawi ang hapdi ng dibdib natin bago natin sila batiin. Sa ating pagsisikap na ipagdasal at makatulong sa kanila, nababago tayo at nawawala ang sama ng loob. Ito ang karunungan na galing sa Diyos.
Kaya mga kapatid. Magpakabanal tayo. Malaking bahagi ng pagpapakabanal ay ang ating pagmamahal sa ating kapwa – lahat ng kapwa, kahit na kaaway. Magagawa natin ito kung gugustuhin natin. Huwag tayo maghiganti, suklian natin ng mabuti ang masama na ginawa sa atin, at ipagdasal natin ang kinasasamaan ng loob. Tularan natin ang ating Ama na nagmamahal sa lahat.