351 total views
Kapanalig, kailangan nating bigyang atensyon ang human trafficking sa ating bansa. Mas laganap ito at dumadami ang biktima dahil sa patuloy na kahirapan ng marami sa ating mga kababayan. Ang human trafficking ay ang pagpuwersa, pandaraya, o pamimilit sa mga tao upang dalhin sila sa prostitusyon, forced labor, at iba pang anyo ng exploitation. Sa Pilipinas, ang karaniwang anyo ng human trafficking ay sex trafficking.
Ang mga ugat ng human trafficking sa Pilipinas ay masalimuot – kahirapan, kawalan ng edukasyon at mga oportunidad sa trabaho ang ilan lamang sa mga ito. Marami sa mga biktima nito ay pinangangakuan ng mas magandang buhay at magandang trabaho sa ibang bansa o sa mga syudad. Kalaunan, sila ay nakukulong sa tuloy-tuloy na pananamantala at pang-aabuso.
Marami sa ating mga migranteng manggagawa ang nabibiktima ng human trafficking. Liban sa prostitusyon, may may kababayan din tayong nakukulong sa pagiging katulong, construction worker, at ibang manual labor. Nagiging alipin na sila dahil sa utang, mababang sweldo, at kawalan ng pagkakataon na makapag-bitiw sa trabaho dahil kinukumpiska ng mga employer ang kanilang mga pasaporte at nagpapataw ng mataas na bayad para sa recruitment at transportasyon.
Kailangan bigyan natin ng ngipin ang Anti-Trafficking in Persons Act ng bayan, at patatagin pa ang Inter-Agency Council Against Trafficking. Kahit kasi ating napanatili ang Tier 1 status, isa sa pinakamataas na klasipikasyon na nagsasabi na ating natutugunan ang minimum standards ng US Trafficking Victims Protection Act, ang human trafficking ay patuloy pa rin na malaking problema sa Pilipinas. Sa opisyal na datos, mga 1,802 lamang ang mga biktima ng human trafficking. Pero kapanalig, ito ay isang underground business, at marami sa mga biktima nito ay hindi narereport. Ayon nga sa International Labour Organization, 50 milyon katao sa buong mundo ang biktima nito.
Kapanalig, ang Pilipinas ay nananatiling pinagmumulan, transit, at destinasyong bansa ang para sa human trafficking. Habang ang gobyerno ay gumagawa ng mga hakbang upang matugunan ang problema, marami pa rin tayong dapat harapin upang epektibong labanan ang human trafficking at protektahan ang mga biktima nito. Ayon nga sa Gaudium et Spes: Anumang insulto sa dignidad ng tao—gaya ng sukdulang kahirapan, walang basehang pagkakakulong at deportasyon, pang-aalipin, prostitusyon, ang pagbebenta ng babae at bata—kung saan ang tao ay tinatrato bilang gamit lamang na pagkakaperahan, ay lason at salot sa lipunan.
Nangangailangan ng agaran at magkaka-ugnay na tugon sa mga ugat ng trafficking. Kailangan natin magbigay suporta at proteksyon sa mga biktima, at masiglang pagpapatupad ng mga batas upang wala na itong mabiktima pa. Sa pamamagitan lamang ng sama-sama at patuloy na pagsisikap, makakaasa ang Pilipinas na mawawakasan na ang salot ng human trafficking sa ating lipunan.
Sumainyo ang Katotohanan.