668 total views
Ang pagmamahal sa pagbabasa ay mahalaga sa Pilipinas, dahil hindi lamang ito nagbibigay ng kaalaman at edukasyon, nakakatulong din ito sa pagbuo ng kritikal na pag-iisip at pagkamalikhain ng mga Filipino. Kung nais natin umunlad ang bansa, kailangan nating hikayatin pa ang mas marami na mahalin ang pagbabasa.
Ayon sa pinakahuling Readership Survey ng National Book Development Board, marami pa rin sa atin ang mahilig magbasa. Ayon dito, ang readership sa mga non-school books na nalimbag sa print, online, at audio formats ay nasa 80% sa hanay ng mga adults habang 92.6% naman sa hanay ng mga bata o children. Ang pangunahing binabasa ng mga adults o nakatatanda ay ang Bibliya, at mga picture books o storybooks naman sa mga bata.
Magandang balita sana ito, kapanalig. Kaya lamang, kailangan natin ma-isalin ito sa mas mataas na reading comprehension. Base sa score natin sa Programme for International Student Assessment (PISA), tayo, kasama ang Dominican Republic, ay ang may pinakamababang score sa reading comprehension. Base rin sa PISA, isa lamang sa limang Filipino learners may edad 15 ang naka-abot sa minimum proficiency level in Overall Reading Literacy.
Kapanalig, kailangan pa natin mahikayat ang mga kabataan natin na magbasa. Isang paraan upang magawa ito ay sa pamamagitan ng paggawa ng mga aklat at aklatan na mas madaling naa-access sa mga mag-aaral. Maaaring lumikha ang pamahalaan ng mga aklatan sa lahat ng mga paaralan. Kailangan din nating tiyakin an ang mga aklatan na ito ay may sapat na mga libro, hindi lamang mga picture books, kapanalig ha, kundi mga klasikong panitikan hanggang sa mga kontemporaryong gawa. Pwede rin tayong magtayo ng mga online libraries, kung saan maa-access ng mga mag-aaral ang mga ebooks at audiobooks.
Ang pagsali sa kurikulum ng pagbabasa ng mga libro at panitikan na labas sa ating mga textbooks ay isa pang paraan upang maisulong ang pagmamahal sa pagbabasa. Maaaring magtakda o mag-assign ang mga teachers ng mga librong pwedeng basahin ng mga bata, o maaari rin silang magtatag ng book clubs. Pwede ring gawing paligsahan ang pagbabasa ng libro.
Hindi lamang dapat manggaling sa paaralan ang paghikayat sa pagbasa. Maaari rin itong magsimula sa ating mga komunidad at kabahayan. Maaaring basahan ng mga magulang ang kanilang mga anak at hikayatin silang pumili ng libro kapag may libreng oras sila. Ang komunidad ay maaari ring mag-organisa ng mga kaganapan, tulad ng mga book fair, kung saan ang mga tao ay maaaring bumili at makipagpalitan ng mga libro. Maaari rin silang magtayo ng community libraries. Ang media din ay maaaring magbigay inspirasyon sa pagbabasa sa pamamagitan ng paggawa ng mga palabas at pelikula na hango sa mga aklat. Maaari rin itong gumawa ng mga book reviews hindi ba, at magyakag pa ng mga mambabasa.
Kapanalig, napakababa ng reading comprehension ng ating mga mag-aaral kaya’t dapat tayong magtulong-tulong upang maitaas ito. Ito ay kongkretong ehemplo ng love in action para sa ating mga mag-aaral at sa bansa. Kasama ito sa ating responsibilidad sa maayos na paghuhulma at pagpapalaki ng ating mga kabataan. Napakahalaga ng reading literacy kapanalig, at ng edukasyon sa dignidad ninuman. Ayon nga sa Populorum Progressio: Indeed hunger for education is no less debasing than hunger for food: an illiterate is a person with an undernourished mind. To be able to read and write, to acquire a professional formation, means to recover confidence in oneself and to discover that one can progress along with the others.
Sumainyo ang Katotohanan.