419 total views
Mga Kapanalig, habang isinusulat natin ang editoryal na ito, mahigit 41,000 katao na ang naitatalang namatay sa dalawang napakalakas na lindol na tumama sa mga bansang Turkiye at Syria.
Sumabay ang 7.8 at 7.5 magnitude na lindol sa matinding taglamig na nararanasan sa mga bansang iyon, at lalo itong nagpapahirap sa kalagayan ng mga nakaligtas. Sa Syria, dagdag-dagok ang pinsalang iniwan ng lindol sa nagpapatuloy na civil war doon. Tunay na nakapanlulumo ang nangyari sa Turkiye at Syria. Ang nararanasan nilang pagdadalamhati ay naranasan din ni Hesus, gaya ng mababasa natin sa Juan 11:35, kaya dasal nating maipakita ng Maykapal sa mga naapektuhan ng lindol na Siya ay isang Diyos na tumatangis din at nararamdaman ang kanilang sakit. Maramdaman sana nila ito sa mga naghahatid sa kanila ng tulong at kalinga.
Samantala, magsilbing mahalagang aral din sana sa atin dito sa Pilipinas ang trahedyang nangyari sa Turkiye at Syria.
Hindi naman sa nananakot tayo, ngunit ang ating bansa ay isa sa mga bansang pinakalantad sa lindol. Nakapaloob kasi tayo sa tinatawag na Pacific Ring of Fire kung saan maraming bulkan at madalas maganap ang mga lindol. Ayon nga sa Philippine Institute of Volcanolgy and Seismology (o PHIVOLCS), nasa 100 hanggang 150 na lindol ang yumayanig sa bansa bawat taon. Ang pinakamalakas na lindol na nangyari sa atin ay noong 1990 kung saan pinabagsak ng magnitude 7.7 na lindol ang maraming gusali. Hindi bababâ sa dalawang libo ang namatay.
Sa Turkiye, sinisisi sa malawak na pinsala ang hindi pagsunod ng mga contractors sa mga building at engineering standards. Mahigit isandaang indibidwal ang hinuli at pinagpapaliwanag kung bakit tila mga toreng papel na bumagsak ang mga itinayo nilang gusali. Ngunit may mga nagsasabing istratehiya lamang ito ng gobyerno sa Turkiye upang hindi sa kanila bumagsak ang sisi. May patakaran din kasi roon na pinapayagang magbayad na lang ng penalty ang contractor ng isang gusaling hindi sumunod sa mga regulasyon, at hinahayaan na lang itong okupahan ng mga tao kahit hindi matibay at matatag. Noon ngang 2019, inamin ng gobyernong mahigit kalahati ng mga gusali sa Turkiye, na katumbas ng 13 milyong apartment units, ay hindi compliant sa kanilang building code.
Dito sa Pilipinas, gaano nga ba tayo kakampanteng matitibay at matatatag ang mga gusali? Sumusunod nga ba ang mga contractors sa mga building standards? Wala bang nagpapabayâ sa kanilang tungkuling tiyaking walang mga gusaling iligal na ipinatatayo? Nababantayan ba ng kinauukulan ang lahat ng mga istrukturang itinatayo, lalo na rito sa mga lungsod kung saan napakaraming tao? Huwag naman sanang isang malakas na lindol pa ang maging paraan upang malaman natin ang sagot sa mga tanong na ito.
Ipinakikita sa atin ng mga trahedyang katulad ng nangyari sa Turkiye at Syria kung gaano kalaki ang responsabilidad ng pamahalaan sa pagtiyak na ligtas ang mga mamamayan mula sa mga panganib katulad ng lindol. Ito kasi ang nagpapatupad ng mga batas at nagtitiyak na nasusunod ang mga tamang pamantayang may kinalaman sa ating kaligtasan. Kung ligtas ang mga tao, napangangalagaan ang kanilang dignidad. Ang dignidad ng tao, saad nga sa Catholic social teaching na Pacem in Terris, ang dapat na pangunahing tuon ng mga ginagawa ng mga nasa gobyerno. Kung bigo silang ipatupad ang mga batas na magtitiyak ng kaligtasan natin sa mga panganib—at mas matindi pa kung may katiwaliang sangkot dito—hindi nila maitataguyod ang dignidad ng tao.
Mga Kapanalig, hindi sapat ang mga earthquake drills at maya’t mayang paalala upang maging handa sa lindol. Kailangan ng isang gobyernong sineseryoso ang pagpapatupad ng mga patakaran kung saan buhay ng tao ang nakataya.
Sumainyo ang katotohanan.