2,980 total views
Mariing nanindigan ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas at Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Family and Life laban sa anumang uri ng pananamantala sa buhay at dignidad ng tao.
Patuloy kikilos ang simbahan tungo sa pagpapahalaga ng buhay at tutulan ang mga programang makalalabag sa dignidad gayundin sa karapatan ng tao.
Ayon kay Tarlac Bishop Enrique Macaraeg, Chairperson ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity dapat magkaisa ang mananampalataya sa paninindigan at pagtatanggol sa buhay.
“Life is sacred and we fight and opposed all forms that undermine the dignity of human life, we defend the culture of life against the culture of death,” ayon kay Bishop Macaraeg.
Ito ang paninindigan ng simbahan sa matagumpay na Walk for Life 2023 na may temang ‘SANAOL (synodality, accompaniment and nearness) among the advocates of life’ na isinagawa mula Welcome Rotonda hanggang University of Sto.Tomas sa Espana, Manila.
Iginiit ni SLP President Raymond Daniel Cruz, Jr. na ang walk for life ay paalala sa bawat isa na ang Diyos ay nakikiisa at nakikilakbay sa buhay.
“Let us believe that God is near, and the beginning of our preaching and the beginning of our advocacy is to live lives that show that God is near, that we have encountered the Lord first, and by encountering him near in our hearts, we move into a mission, we advocate life, and we advocate the love of God,” saad ni Cruz.
Hamon ni Cruz sa mamamayang ipagpatuloy ang paninindigan at pagtatanggol sa buhay ng tao sa pamamagitan ng pagtutol sa iba’t ibang programang isinusulong na makasisira sa kaloob na buhay.
Kabilang sa tinututulan ng simbahan ang death penalty, aborsyon, same-sex union, at euthanasia na itinuring na DEATH Bills na isinusulong ng pamahalaan gayundin ang war on drugs na kumikitil sa buhay maging ng mga inosenteng indibidwal.
Pinasalamatan ng S-L-P ang mga dumalo at nakiisa sa Walk for Life 2023 na naipagpaliban ng dalawang taon dahil sa COVID-19 pandemic.