2,843 total views
Ang paggunita ng EDSA People Power Revolution ay hindi paggunita o pag-alala ng galit at paghihiganti sa halip ay paggunita ng pag-ibig.
Ito ang ibinahagi ni Novaliches Bishop Roberto Gaa sa ika-apat na araw ng Misa Nobernaryo para sa kapistahan ng EDSA Shrine at paggunita ng ika-37 anibersaryo ng EDSA People Power.
Ayon sa Obispo, ang paggunita ng EDSA People Power Revolution ay isang pambihirang pagkakataon upang gunitain ang pag-ibig ng sambayanang Pilipino hindi lamang para sa kapwa kundi lalo’t higit para sa bayan.
Inihayag ni Bishop Gaa na bukod sa pagbabalik tanaw sa pambihirang pag-ibig na ipinamalas ng mga nakibahagi at nanindigan sa naganap na bloodless revolution ay mahalagang muling suriin ang mga pagbabago at patuloy na pagsasabuhay ng paninindigan para sa demokrasya ng bansa.
“What we celebrate this is not a monument of vengeance but this is a monument of love. A love that transcends hatred, pain, grudge but it’s a monument of the love of God. When we speak of transformation or conversion or reform tayo muna yun, we look at ourselves where are we now, what have we become after so many years of EDSA (People Power Revolution),” pagninilay ni Bishop Gaa.
Pinayuhan ng Obispo ang mamamayan na sa halip na igiit ang pagkakaroon ng pagbabago ng kapwa ay dapat magmula sa sarili ang pagbabago at pagsusulong ng kaayusan ng bansa.
“Where are we now, have we also engaged ourselves in the transformation that form of love for the other, baka minsan tayo ay giit lang tayo ng giit ng transformation ng ibang tao but when we look at ourselves, have we also transform? Have we been part of this experience of conversion?,” dagdag pa ni Bishop Gaa.
“ALL OF US ARE CALLED TO HOLINESS”
Binigyang-diin naman ni Sorsogon Bishop Jose Alan Dialogo sa ika-limang araw ng Misa Nobernaryo na bahagi ng pagsusulong ng kaayusan, katarungan, kapayapaan at demokrasya sa bayan ay panawagan ng kabanalan para sa bawat isa.
Ayon sa Obispo, ang kabanalan ay hindi lamang para sa mga lingkod ng Simbahan sa halip para sa bawat mamamayan mula sa anumang antas o sektor sa lipunan.
Ipinaliwanag ni Bishop Dialogo na ang bawat isa ay maaaring magpamalas ng kabanalan sa pamamagitan ng sariling pamamaraan at larangan.
“Holiness is not only for religious, gone are the days that holiness is only a call to priests, bishops and religious. Vatican II firmly expresses that holiness is for all may asawa ka, single ka, bachelor ka, taxi driver ka, security guard ka, saleslady ka, namamalimos ka, may anak ka, single parent ka, all of us are called to holiness, wherever we are, whatever we do in our life we are called to holiness,” paliwanag ni Bishop Dialogo.
Si Bishop Dialogo ay limang taong naglingkod bilang dating vice rector ng Archdiocesan Shrine of Mary, The Queen of Peace o mas kilala bilang EDSA Shrine mula taong 2002 hanggang 2007.