2,739 total views
Muling nanawagan ng panalangin ang Diyosesis ng Bayombong para sa kaligtasan at kagalingan ni Bishop Jose Elmer Mangalinao.
Ito’y makaraang isugod sa Cardinal Santos Medical Center ang Obispo dahil sa pag-uubo at bahagyang paninikip ng dibdib.
Sa kasalukuyan, maayos na ang kondisyon ni Bishop Mangalinao at nagpapahinga muna dahil muli itong isasailalim sa coronary artery bypass graft surgery sa susunod na linggo.
Nakikiusap naman si Fr. Roberto Oliveros, Jr., chancellor ng diyosesis na iwasan ang pagbabahagi ng mga hindi opisyal na ulat kaugnay sa kalagayan ni Bishop Mangalinao upang maiwasan ang pagkabahala ng publiko.
“Let us be one in prayer for our bishop’s full and fast recovery through the intercession of Our Blessed Mother Mary and St. Dominic, the patron of our Diocese,” pahayag ni Fr. Oliveros.
Nagpapasalamat naman si Bishop Mangalinao sa mga patuloy na nag-aalay ng panalangin para sa kanyang agaran at tuluyang paggaling.
“At this time, I am more prepared for any eventuality… Thanks for the prayer that heals and saves. I do the same for you,” ayon kay Bishop Mangalinao.
Matatandaang Setyembre 2022, nang atakihin sa puso si Bishop Mangalinao habang nasa Estados Unidos para sa Mission Appeal at iba pang mahalagang gawain, at matagumpay na sumailalim sa bypass operation.
Si Bishop Mangalinao ay ang kasalukuyang chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education.