1,909 total views
Nanawagan ang opisyal ng Office on Stewardship ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa mananampalataya na paigtingin ang buhay panalangin.
Ito ang apela ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa pagsisimula ng Panahon ng Kuwaresma nitong February 22 sa paggunita ng Miyerkules de Ceniza.
Ayon sa obispo nararapat maging bukas ang tao sa presensya ng Panginoon sa pananalangin na bukod tanging paraan sa pakikipag-ugnayan.
“Mas magbigay ng panahon para sa dasal upang pagnilayan ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus,” mensahe ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Tinukoy ng opisyal ang pagbabasa ng Bibliya, pag-awit ng Pasyon at pagdarasal sa Daan ng Krus ang ilan sa mga dasal na maaring gawin ng tao sa 40 araw na paghahanda.
Binigyang diin ni Bishop Pabillo na bahagi ng penitensyang gagawin ang pag-iwas sa nakaugaliang gawain tulad ng labis na paggamit ng cellphone at social media, panunuod ng telebisyon, at iba pang gawain na naging hadlang sa buhay espiritwal ng tao.
Hinimok din ng obispo ang mananampalataya na mag-ayuno at magkawanggawa sa kapwa bilang pakikiisa sa pamayanang kristiyano sa mahalagang pagdiriwang.
“Sa pagpepenitensya natin, sana makinabang din ang iba. Kaya sa pag-aayuno ngayong araw, magbigay tayo sa FAST TO FEED,” ani ng obispo.
Ang Fast to Feed ng Hapag-Asa ay gawain ng simbahang nagpapakain lalo na sa malnourished na kabataan sa bansa na ayon sa UNICEF ay nasa 33 porsyento sa kabuuang bilang ng mga kabataan.
Bukod pa rito ang Alay Kapwa kung saan naglilikom ng pondo ang simbahan para sa mga mamamayang maapektuhan ng ibat ibang uri ng kalamidad.