3,245 total views
Hinikayat ni Imus, Cavite Bishop Reynaldo Evangelista ang mananampalataya na higit pagtuunan sa panahon ng Kuwaresma ang pananalangin at pagbabalik-loob.
Sa liham pastoral para sa Miyerkules ng Abo, sinabi ni Bishop Evangelista na ang pagpapanumbalik ng dangal bilang mga anak ng Diyos ay ang pinakamahalagang handog na patuloy na ipinagkakaloob sa sanlibutan.
Ayon kay Bishop Evangelista, mahalagang pagtuunan ngayong Kuwaresma ang taimtim na pananalangin upang madama ang presensya ng Diyos at makamtan ang kapatawaran sa mga nagawang pagkakamali at pagkakasala.
“Sa pamamagitan ng panalangin, sinusuri natin ang kalooban nating hitik sa pagkakamali at pagkukulang. Dahil dito, nakakatagpo natin ang Diyos at natututo tayong magpakumbaba sa Kanya,” pahayag ni Bishop Evangelista.
Inihayag naman ng Obispo ang patuloy na pagbuti ng lipunan mula sa epekto ng coronavirus pandemic, kaya’t inaanyayahan nito ang mga mananampalataya na pagsumikapang palalimin pa ang pananampalataya sa pamamagitan ng pakikibahagi sa mga gawain ng simbahan lalo na ngayong Kuwaresma.
Gayundin ang pagsasakripisyo sa pamamagitan ng pag-aayuno at pangingilin, at ang pagkakawanggawa lalo na sa mga higit na nangangailangan.
“Ang taos-pusong pagtulong sa kapwa na walang hinihinging kapalit ay daan tungo sa kabanalan. Walang anumang handog na materyal ang mas hihigit pa sa pag-aalay ng panalangin, panahon, talento, yaman, at sarili para iangat ang kalagayan ng mga dukha at nahihirapan,” ayon kay Bishop Evangelista.
Tuwing Miyerkules ng Abo ay inilulunsad ng simbahan ang FAST2FEED Program ng HAPAG-ASA Pondo ng Pinoy Community Foundation, bilang pagpapaalala sa tungkulin ng bawat mananampalatayang tulungan at pangalagaan ang mga dukha lalo na ang mga malnourished children.