2,033 total views
Nanindigan si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza sa patuloy na pagsusulong ng katarungang panlipunan at pagsisilbing boses ng mga naisasantabing sektor sa bansa sa kabila ng red-tagging sa kanya ng isang programa ng SMNI.
Ayon sa Obispo na siya ring Vice Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Social Action Justice and Peace, ang pagsusulong ng kapayapaan at kaayusan sa lipunan ay bahagi ng misyong iniatang ng Panginoon sa mga lingkod ng Simbahan.
“The demand to pursue peace is an echo of Jesus’ command to love. As your pastor, I cannot be silent amid violence and injustices,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Alminaza.
Tiniyak ng Obispo na hindi mapipigilan ng anumang red-tagging at mga maling paratang ng kanyang pakikipag-ugnayan sa mga komunistang grupo sa bansa ang kanyang paninindigan para sa kapayapaan at katarungan sa bansa.
Ipinaliwanag ni Bishop Alminaza na sa kabila ng patuloy na red-tagging ay hindi dapat na magpatinag, matakot o panghinaan ng loob ang mga lingkod ng Simbahan tulad ng mga Obispo, pastor, mga kasapi ng batayang sektor at ordinaryong mamamayan na manindigan sa tama at maging boses ng mga naisasantabi sa lipunan.
Tinukoy ni Bishop Alminaza ang ginawang red-tagging sa kanya ng programang ‘Laban Kasama ang Bayan’ ng SMNI noong February 22, 2023 kung saan tahasang siyang pinaratang ng pakikipag-ugnayan at pagsusulong ng ideyolohiya ng mga kumunistang grupo sa bansa.
“Recent red-tagging and the calling of my advocacy as ‘diabolical and demonic’ by the SMNI’s television program ‘Laban Kasama ang Bayan’ (during the February 22, 2023 segment), by its hosts will never stop our commitment to peace and justice. As this TV program continues to malign and even invoke vicious threats against the work of church-people, bishops and pastors, dedicated activists, and ordinary persons – we should never be afraid, but rather be brave in speaking for the truth on behalf of the victims of injustice,” dagdag pa ni Bishop Alminaza.
Partikular na pinuna at ini-ugnay ng SMNI si Bishop Alminaza sa mga komunista grupo sa bansa dahil sa kanyang inilabas na Lenten Statement bilang Convenor ng Pilgrims for Peace kung saan binigyang pansin ng Obispo ang patuloy na pag-iral ng mga human rights violation, karahasan, militarisasyon at pagdami ng political prisoners sa bansa kasabay ng pagsusulong sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) upang tuluyang makamit ang matagal ng hinahangad na kalayaan sa bansa.