2,267 total views
Nakikiisa ang Apostolic Vicariate ng Puerto Princesa sa panawagan ng mamamayan ng Brooke’s Point, Palawan laban sa operasyon ng Ipilan Nickel Corporation.
Sa liham-pastoral ni Bishop Socrates Mesiona, sinabi ng Obispo na ang pagtutol ng taumbayan ay isang karapatang dapat igalang dahil layunin lamang nitong ipagtanggol ang kanilang kaligtasan, kalikasan, at pamayanan.
“Nararapat po lamang na igalang ang kanilang karapatan at pakinggan ang kanilang hinaing. Kinikilala rin natin ang basehan ng kanilang ipinaglalaban. Sila ang higit na may nalalaman at direktang naaapektuhan sa anumang kaganapan sa kanilang kapaligirn.” ayon kay Bishop Mesiona.
Iginiit ni Bishop Mesiona na katulad ng mamamayan ng Brooke’s Point partikular na sa Barangay Ipilan, ang Simbahan ay mariin ding nananawagan upang isulong ang pangangalaga sa kalikasan at kaligtasan ng mga apektado ng mga pagbabago sa kapaligiran.
Ito ay ang mga katutubo at magsasaka na ang hanapbuhay ay nagmumula sa mga likas na yaman tulad ng lupa, bundok, gubat, at karagatan, na higit na napipinsala ng operasyon ng pagmimina sa lugar.
“Ipinakikiusap natin na pakinggan naman ang boses at igalang ang hinaing at panawagan ng ating mga kababayan. Gayunpaman, idinudulog natin sa lahat na maging mahinahon. Iwasan nawa ang mapanirang mga salita na nakasasakit ng kalooban.” saad ni Bishop Mesiona.
Panawagan naman ng Obispo sa mga kinauukulan na isaalang-alang ang ikabubuti ng lahat lalo’t higit ang mga mahihirap.
Gayundin ang pagsusulong sa mga proyekto na pangmatagalan ngunit hindi mag-iiwan ng pinsala sa kalikasan at mamamayan, at hindi pansamantala at mapapakinabangan lamang ng iilan.
Higit isang linggo na ang nakakalipas nang magsagawa ng Barikada ng Bayan ang mga residente ng Brooke’s Point upang tutulan ang ilegal na pagmimina ng Ipilan Nickel Corporation.
Nakasaad naman sa Laudato Si ni Pope Francis na mahalaga ang pagiging mapagmatyag ng pamayanan upang matiyak na wasto at may moral na pamantayan ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga batas na nangangalaga sa kalikasan.