347 total views
2nd Sunday of Lent Cycle A
Gen 12:1-4 2 Tim 1:8-10 Mt 17:1-9
Ang layunin ay unang nasa isip ngunit huling mararating. Kung balak nating pumunta sa Puerto Princesa, iyan ang unang nasa isip natin, na makarating sa Puerto pero pupunta muna tayo sa bus terminal ng Taytay, dadaan sa Roxas saka na makararating sa Puerto. Ang layunin natin ang nagbibigay ng direksyon kung saan tayo pupunta. Kung tayo ay nasa Taytay, mag-aabang tayo ng van papuntang Puerto at hindi papuntang El Nido.
Ngayong nasa panahon tayo ng Kuwaresma, ano ang balak natin? Ano ang layunin natin? Hindi lang tayo nag-aayuno at nag-aalay-kapwa kasi iyan ang sinasabi sa atin. Ang pagbabagong anyo ni Jesus ang nagbibigay sa atin ng direksyon. Papunta tayo sa pagbabagong buhay, isang buhay na matagumpay at maluwalhati, pero bago tayo makarating doon dadaan muna tayo sa krus, didisiplinahin muna natin ang ating sarili. Tayo nga ay hinihikayat na gumawa ng mga penitensiya at sumama sa mga dasal. Para sa ano? Upang tayo ay magkaroon ng pagbabagong buhay tulad ni Jesus.
Si Jesus noon ay papunta sa Jerusalem. Nagsimula na siyang magsalita tungkol sa mangyayari sa kanya doon, na siya ay dadakpin, papasakitan, at papatayin at muling mabubuhay. Hindi naiintindihan ng mga alagad niya ang muling pagkabuhay – wala pa namang muling nabuhay noon – pero alam nila ang ibig sabihin ng papasakitan at papatayin, at ito ang natanim sa kanilang isip. Kaya nababahala sila. Baka ang iba ay nanghihina na ang loob. Baka napapaisip na ang ilan kung tama ba na sumunod sila kay Jesus. Akala nila si Jesus ay ang matagumpay na Kristo, bakit siya mamamatay sa Jerusalem?
Doon sa bundok ng Tabor, kasama ang ilang piling mga alagad, nagbagong anyo si Jesus. Naging maluwalhati ang kanyang mukha at kasuotan. Nakita siyang nakikipag-usap kay Moises at kay propeta Elias tungkol sa mangyayari sa Jerusalem. Si Moises ay kumakatawan sa Batas na matatagpuan sa unang limang aklat ng Bibliya at si Elias naman ay kumakatawan sa mga propeta. Pinapakita sa pangitaing ito na ang mangyayari kay Jesus sa Jerusalem ay naaayon sa mga nasaad sa Banal na Kasulatan na nasa Batas ni Moises at mga propeta. Anuman ang mangyayari doon ay uuwi sa kaluwalhatian. Kaya pinasilip sa mga alagad ang kadakilaan ni Jesus. Ang lahat ay uuwi sa tagumpay. Napakaganda ng karanasan ng tagumpay at kaluwalhati na napasabi si Pedro na doon na lang sila. Huwag na silang bumaba ng bundok. Igagawa na lang sila ng mga tolda para manatili sila sa itaas ng bundok.
Pero iba ang plano ng Diyos. Pinatotohanan ng boses na mula sa alapaap na si Jesus ay ang anak ng Diyos at nalulugod ang Diyos sa kanya. Kaya makinig at sumunod sila sa kanya – saan man siya pupunta, anuman ang mangyari sa kanya. At nawala ang pangitain at bumaba na sila sa bundok at nagpatuloy na pumunta sa Jerusalem.
Sa paglalakbay natin ngayong kuwaresma sinasamahan natin si Jesus sa kanyang pagpunta sa Jerusalem kung saan siya papasakitan at papatayin. Hindi madali ang panahon ng Kuwaresma. Kailangan tayong magpenitensiya, kailangan tayong maging matulungin sa ating kapwa at kailangan tayong magbigay ng panahon sa pagdarasal. Hindi madali ang mga ito pero pinapalakas ang ating loob. Ginagawa natin ang mga ito upang makiisa tayo sa tagumpay at kaluwalhatian ni Jesus. Iyan ang ating layunin. Ang mga ito ay magdadala sa atin ng pagbabago, at magandang pagbabago! Kailangan tayong manalig na ito ay mangyayari.
Ganyan din ang hinihinging pananalig kay Abram sa ating unang pagbasa. Kailangan siyang lumisan sa kanyang bayan at iwanan ang kanyang mga kamag-anak at pumunta sa lupa na ibibigay sa kanya ng Diyos. Kailangan niyang talikdan ang kasiguraduhan ng kanyang lupain at kanyang pamilya upang matamo ang pangakong dakilang lahi at pagpapala. Hindi lang siya ang pagpapalain. Ang lahat ng bansa ay pagpapalain dahil sa kanya. Iyan ang layunin – pagpapala sa lahat pero kailangan muna siyang tumaya, kailangan muna siyang manalig, kailangan muna niyang talikdan ang nasa kanya na, ang hawak na niya. Iyan din ang hinihingi sa atin. Iwanan natin ang ating comfort zone at sumunod kay Jesus ngayong kuwaresma.
Maasahan natin siya. Ang ginagawa niya ay kalugud-lugod sa Ama. Wasto ang kanyang landas. Huwag tayong matakot at mag-alinlangan. Sinabi ni Pablo sa ating ikalawang pagbasa: “Makihati tayo sa kahirapan dahil sa Mabuting Balita at tutulungan tayo ng Diyos na nagligtas at tumawag sa atin.” Kaya ang sabi ni Jesus sa tatlong alagad ay sinasabi din niya sa atin: “Tumindig kayo at huwag kayong matakot.”
Tumindig na tayo at gawin ang mga gawain ng kuwaresma – magdasal, magpenitensiya at magkawanggawa. Huwag tayong matakot. Mararating din natin ang pagbabago. Makikiisa din tayo sa bagong buhay ni Jesus. Kung kasama natin siya sa pagkamatay sa lumang pagkatao natin, makakasama din niya tayo sa kaluwalhatian ng bagong buhay.