631 total views
Homiliya para sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma, Ika-5 ng Marso 2023, Mateo 17:1-9
Dalawang bagay ang hindi gaanong napapansin ng nagbabasa o nakikinig sa kuwento ng Transfiguration sa ebanghelyo natin ngayon. Una, na may kausap si Hesus habang nagbabago ang kanyang anyo. Pangalawa, hindi lang sumasabat and mga alagad sa pag-uusap nina Hesus, Moises at Elias; pinipiglan nila ito. Kaya nasabi nila,“Ipagtatayo namin kayo ng tatlong tolda; tig-iisa kayo.” Paano sila mag-uusap? Dapat sana sinabi nila, “Ipagtatayo namin kayo ng isang tolda (hindi tatlo), para maipagpatuloy ninyo ang inyong pag-uusap.”
Sa tingin ko, ang talagang kausap ni Hesus ay ang kanyang Ama. Ibig sabihin, nananalangin siya. Mas malinaw ito sa version ni San Lukas—umakyat daw siya sa bundok para magdasal, pero isinama ang tatlong alagad, sina Peter, James at John. Sina Moises at Elias ay kumakatawan lamang sa Bibliya o Salita ng Diyos para sa mga Hudyo. Si Moises ang sagisag ng Aklat ng mga Batas, at si Elias naman ng Aklat ng mga Propeta. Sa madaling salita nananalangin si Hesus habang pinagninilayan niya ang mga Batas at Propeta.
Sa isang banda, tumutulong o nagsisilbing daan sina Moises at Elias sa pakikipag-usap ni Hesus sa Ama, sa pananalangin niya. Sa kabilang banda, sumasabat ang mga alagad, pumipigil sa pag-uusap ng Ama at Anak.
Madalas nating marinig sa mga ebanghelyo na may mga sandali na iniiwan ni Hesus ang mga alagad niya. Bumubukod daw siya o humihiwalay para makapag-isa at manalangin. Pero kung minsan, isinasama niya ang ilan sa mga alagad niya. Bakit? Para turuan sila tungkol sa panalangin bilang pakikipag-usap sa Diyos.
May kuwento nga si San Lukas sa Luk 11:1, Minsan, kusang lumapit daw ang mga alagad at nakiusap na turuan daw sila ng Panginoon kung paano magdasal. Siguro kapag humihiwalay siya, binabatyawan siya ng mga alagad. Ramdam siguro nila na may magandang nangyayari sa kanya kapag nagdarasal siya.
Tulad ng madalas mangyari, hindi laging naiintindihan ng mga alagad ang mga turo ni Hesus. Bakit sila ipagtatayo ng tatlong tolda? Para mapag-isa siya. Mabuti ang intensyon pero mali. Ayaw nilang maistorbo nina Moises at Elias si Hesus, pero silang mga alagad, sila mismo ang nagiging istorbo sa pag-uusap.
Para bang ang tolda ay ginawa nilang simbolo ng pag-iisa imbes na pakikipagkaisa. Ganyan din ang nauuso ngayon tungkol sa modernong konsepto ng pagtatayo ng tahanan, hindi ba? Iisang bahay, pero kanya-kanyang kuwarto. Wala namang masama sa pagkakaroon ng privacy ng mga miyembro ng isang pamilya. Ang hindi maganda ay kapag nagkanya-kanya na rin ng panood ng TV, kanya-kanyang kain, kanya-kanyang lakad, wala nang pagsasalo, wala nang pagkukuwentuhan, wala nang pagkakataon para sa sama-samang gawain. Walang pamilyang mabubuo kapag ganyan. Nauuwi sa pag-iisa, hindi pagkakaisa.
Isipin ninyo, e kung sabihin ng iba, bakit pa ako magsimba, di ba mas magandang magdasal na lang na mag-isa? Ang nakikipagkaisa sa Diyos sa panalangin ay sabay na natututo rin na makipagkaisa sa bayan ng Diyos sa pagsamba. Hindi tama na iugnay ang panalangin sa pag-iisa kahit nakatutulong ang pag-iisa sa pakikipagkaisa sa Diyos.
Tingnan naman natin ang papel nina Moises at Elias bilang sagisag ng Salita ng Diyos sa Bibliya, sa aklat ng mga Batas at Propeta. Kumbaga sa pag-uusap, sila ang nagbibigay ng mga salita, ng bokabularyo at gramatika sa espiritwal na pag-uusap. Sa kuwento ng Pentekostes, gawain ito ng Espiritu Santo, binibigyan tayo ng “dilang apoy”upang makausap natin ang Diyos at maunawaan natin ang isa’t isa.
Sa Bibliya, ang dalawang karakter na ito—sina Moises at Elias, ay nakaranas din ng pagbabagong anyo sa gitna ng pakikipag-usap sa Diyos. Sa Exod 34:29, sabi ng awtor, “Nang bumaba si Moises mula sa bundok dala ang dalawang tapyas ng batong pinagsulatan ng Sampung utos, hindi niya namalayan na nagniningning ang kanyang balat sa mukha dahil sa pakikipag-usap sa Diyos.” Ganyan din kay Elias. Madilim ang mukha niya nang umakyat sa bundok para magsumbong sa Diyos. Depressed na depessed siya. Pero matapos na dumaan ang apoy, hangin at lindol, sa tahimik pag-ihip ng simoy ng hangin noon daw niya narinig ang tinig ng Diyos. At nanumbalik ang sigla niya sa pagiging propeta, hanggang sa tangayin siya sa langit ng isang karuwaheng nagliliyab sa pamamagitan ng isang buhawi. (2 Hari 2:11)
Kaya pala natakpan ng ulap ang mga alagad matapos na sumabat-sabat sa pakikipag-usap ni Hesus sa Ama. Napagsabihan tuloy sila ng Ama: “Ito ang Anak kong minamahal, pakinggan ninyo siya.” Napagsabihan sila tungkol sa dalawang importanteng sangkap ng pakikipag-usap: masusing pagmamasid, at mabuting pakikinig. Masdan, kilalanin, pakinggan. Masdang mabuti si Hesus at kilalanin sa kanya ang Anak ng Diyos. Pakinggan siyang mabuti upang marinig sa kanya ang tinig ng Ama. Kung sa mabisang pakikipag-usap, importanteng mga sangkap pagmamasid, pagkilala at pakikinig, ganoon din sa pakikipag-usap sa Diyos.
Kapag masyado kasi tayong abala at tuliro, para tayong si Martha sa kusina. Pinagbuksan mo na nga si Hesus ng bahay mo pero pinipigilan mo namang makipag-usap sa kapatid mo. Ang mamagitan imbes na pumigil sa magandang pag-uusap, bahagi rin ito ng aral tungkol sa pananalangin na nakapagbabagong-anyo.