2,158 total views
Inihayag ni Ricardo Rebaño – Pangulo ng FEJODAP na nakikiisa ang kanilang hanay sa maayos na pagsusulong ng Jeepney Modernization Program at kanilang naiintidihan ang mabuting idudulot ng programa sa ekonomiya.
“Naniniwala at umaasa din kami na mapapaunlad pa ng ating gobyerno ang proseso ng pagpapatupad ng modernisasyon upang higit na maunawaan at maging katanggaptanggap sa sector. Ang pagkakaroon ng realistikong plano at guidelines para sa pagkakamit ng moderno, epektibo at ligtas na transportasyon sa Pilipinas,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Rebaño sa Radio Veritas.
Tiwala naman si Liberty De Luna, National Chairwoman ng ACTO na higit na inuuna ng DOTr ang kapakanan ng jeepney sektor kasabay ng pagiging bukas ng kagawaran at Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa pakikipagdiyalogo sa mga driver at operator.
Ipinaparating din ng FEJODAP at ACTO na naiintindahan ng kanilang hanay na hindi Jeepney Phase-Out ang isinusulong ng naunang deadline na ngayong ay pinalawig hanggang huling araw ng 2023.
Sa halip, panawagan nila Rebaño at De Luna ang pagpapaintindi sa hakbang ng consolidation o pagbuo ng mga kooperatiba sa mga jeepneey drivers at operators.
“Yung iba naman po kasi hindi naiintindihan, yung ayaw lang po namin yung magjo-join kami sa mga existing na, yung may mga kooperatiba na at korporasyon, dapat po dahil kami ay asosasyon na kumbaga, asosasyon na po iyan sila nalang po yung magbuo ng kani-kanilang korporasyn (kooperatiba) at magpatakbo, hindi yung magjo-join pa dahil mahirap kasi, yun nga po talagang may naniningil nga po minsan (na kooperatiba) ng 200-thousand, 300-thousand per membership,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay De Luna.
Una ng nilinaw ni Transportation Secretary Jaime Bautista na hindi jeepney phaseout ang deadline, sa halip ito ang pagtatapos ng consolidation kung saan bubuo o sasali sa mga kooperatiba ang mga jeepney drivers at operators.
Habang isinusulong din ng DOTr ang pamamahagi 260-libong pisong financial aid para sa kada isang modern jeepney units upang gamiting bilang downpayment sa pagbili ng mga modern jeeps.
Una ng hinayag ng Caritas Manila ang pagsusulong ng mga kooperatiba ng Jeepney operators at drivers upang magkaroon ng sapat na pondo bilang pambili ng mga makabagong jeepneys.