2,878 total views
Pumanaw na sa edad na 93-taong gulang ang dating Obispo ng Diyosesis ng Catarman na si Bishop Emeritus Angel Tec-i Hobayan.
Ayon sa opisyal na anunsyo ni Catarman Bishop Emmanuel Trance, pumanaw ang dating Obispo ng diyosesis dakong alas-2:30 ng madaling araw ngayong ika-11 ng Marso, 2023 sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City.
Si Bishop Hobayan ang nagsilbing kauna-unahang Obispo ng Diyosesis ng Catarman na ginugunita ngayong araw ang 48th Canonical Foundation Anniversary mula ng maitatag bilang isang ganap na diyosesis noong taong 1975.
Sa loob ng tatlong dekada ay naglingkod si Bishop Hobayan bilang pinunong pastol ng Diyosesis ng Catarman mula ng maitalagang Obispo sa diyosesis noong December 12, 1974 hanggang sa magretiro noong March 10, 2005.
“Bishop Hobayan—comforted by the Sacraments of the Church—returned to our Creator early this morning, March 11, at around 2:30 AM in the Cardinal Santos Medical Center (San Juan City, Metro Manila). Today is exactly the 48th Canonical Foundation Anniversary of the Diocese of Catarman which Bishop Angel has faithfully served being its first residential Bishop since 1975.” Ang bahagi ng anunsyo ni Catarman Bishop Emmanuel C. Trance.
Ipinag-utos naman ni Bishop Trance ang pag-aalay ng banal na misa para sa namayapang si Bishop Hobayan sa lahat ng mga Simbahan, parokya at mission centers sa buong Diyosesis ng Catarman.
Si Bishop Hobayan ay ipinanganak noong Dec. 11, 1929 sa Taft, Eastern Samar at naordinahang pari noong March 25, 1955.
Hinirang si Bishop Hobayan na kauna-unahang Obispo ng Diyosesis ng Catarman ni Pope Paul VI noong Dec. 12, 1974 bago naordinahang bilang isang ganap na Obispo noong March 5, 1975 at opisyal na itinalaga bilang Obispo ng diyosesis noong March 11, 1975 kasabay ng Canonical Foundation ng Diyosesis ng Catarman.