1,955 total views
Patuloy ang panawagan ng health care commission ng simbahan para sa pagtangkilik sa COVID-19 vaccination ng pamahalaan sa kabila ng patuloy na pagbuti ng lipunan mula sa pandemya.
Ayon kay Camillian Father Dan Cancino, executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care, mahalagang pagtuunan pa rin ang pagkakaroon ng karagdagang proteksyon bagamat lumuluwag na ang mga panuntunan laban sa COVID-19.
“Importante talaga ang bakuna para masigurado ang proteksyon natin laban sa COVID-19. Napatunayan naman ‘yan nitong mga nakaraang taon ng pandemya at dahil d’yan nabawasan ‘yung mga kaso ng malalang sintomas ng virus. Sana, i-avail pa rin natin ang COVID-19 vaccine para sa proteksyon ng ating sarili, pati na rin kapwa natin,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Nabanggit naman ni Fr. Cancino ang ulat ng Department of Health na maraming bakuna ang mag-e-expire ngayong taon at nananatiling nakaimbak sa mga cold storage facilities.
Dahil nabawasan na ang bilang ng mga nagpapabakuna at nagpapa-booster shots ay nanganganib na masayang ang nasa walong milyong COVID-19 vaccines.
Ayon kay Health Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire, ang nasabing bilang ay mula sa higit 15-milyong bakuna na inaasahan ng DOH na mag-e-expire ngayong taon.
Hinihintay naman ng kagawaran ang desisyon ng Food and Drug Administration at mga vaccine manufacturers para sa pitong milyong bakuna na kung maaari pang mapahaba ang “shelf life” nito.
“Tatanggalin natin ‘yung almost 7 million na inaantay pa po natin ang decision ng FDA together with the manufacturers who have applied kung ma-re-re-extend natin ‘yung shelf life nila,” ayon kay Vergeire.
Sa kabuuang bilang, aabot na sa 44-milyon ang nasayang na bakuna sa buong COVID-19 vaccination program ng pamahalaan, kasama na rito ang mga nasirang bakuna sanhi ng sunog, temperatura, mga kalamidad, at iba pang insidente.