393 total views
4th Sunday of Lent Cycle A Laetare Sunday
1 Sam 16:1.6-7.10-13 Eph 5:8-14 Jn 9:1-41
Napansin ba ninyo na 29 days na ang dumaan mula noong binukasan natin ang Kuwaresma noong Miyerkules ng Abo? Mahigit na tayo sa kalahati ng apatnapung araw ng Kuwaresma. Kamusta na ang ating pagpepenitensiya, ang ating pagdarasal at ang ating pagkakawanggawa? Patuloy pa ba nating ginagawa? Nagbubunga na ba ito ng pagbabago? Ngayon po ay Laetare Sunday, ibig sabihin, Linggo ng Pagsasaya kaya pink o rosas ang kulay natin at hindi violet. Ito ay nagpapahiwatig na masaya ang kahihinatnan ng Kuwaresma kung serioso tayo sa ating pagpepenitensiya, pagdarasal at pagkakawanggawa. Magiging masaya ang Muling Pagkabuhay na ating inaasahan.
Talagang magiging masaya ang kahihinatnan natin. Liwanag ang ating aabutin. Ang kadiliman ng libingan ay liliwanagan ng Muling Pagkabuhay. Si Jesus na ating sinusundan ay ang Liwanag ng mundo. Sinulat ni San Pablo: “Dati, nasa kadiliman kayo ngunit ngayo’y nasa liwanag sapagkat kayo’y sa Panginoon.”
Pinagaling ni Jesus ang taong ipinanganak na bulag na walang ginagawa kundi namamalimos lang sa templo. Wala siyang ibang magawa. Nasa kadiliman siya. Hindi lang niya natanggap ang liwanag sa kanyang mata. Natanggap din niya ang liwanag tungkol kay Jesus. Tulad nang hindi biglang nakakita ang kanyang mata, ganoon din na hindi bigla ang pagkakilala niya kay Jesus. Lumura si Jesus sa lupa, gumawa ng putik at pinahid sa kanyang mata. Pinapunta pa siya sa tubig sa Siloe at pinaghilamos at doon lang siya nakakita. Dahan-dahan ang proseso ng pagbigay sa kanya ng kanyang paningin. Ganoon din ang pagkakita niya ng liwanag tungkol kay Jesus. Noong una hindi niya kilala si Jesus. Alam lang niya na Jesus ang kanyang pangalan. Pero dahil sa nangyari sa kanya, ipinahayag niya sa mga nag-iimbestiga na siya ay isang propeta. Kahit na siya ay bulag at siguro walang pinag-aralan, noong pinagbibintangan na makasalanan ang nagpagaling sa kanya, nanindigan siya na hindi maaaring makasalanan siya. Sabi niya, “Walang magagawa ang taong iyon kung hindi siya mula sa Diyos.” Mula sa Diyos na ang pagkakilala niya sa taong iyon. At noong matagpuan siya ni Jesus at tinanong siya kung sumasampalataya siya sa Anak ng Tao, pinakita niya ang kanyang kahandaan na manampalataya. At noong sinabi ni Jesus na siya na nga na nakikita niya, siya na nagkikipag-usap sa kanya, ang Anak ng Tao, ang ganda ng kanyang sinabi: “Sumasampalataya po ako, Panginoon” at sinamba niya si Jesus. Nabuksan ang mata ng kanyang isip at puso. Hindi lang niya nakita si Jesus. Natanggap niya na siya ay ang Panginoon at sinamba siya.
Hindi sapat na may paningin upang makarating sa liwanag. Ang mga Pariseo at mga Eskriba ay nakakakita pero nanatili silang bulag, nanatili sa kadiliman dahil sa hindi nila pagtanggap sa klarong pangyayari, na si Jesus ay nakabibigay ng paningin sa bulag kasi siya ay galing sa Diyos. Nabulagan sila ng kanilang pagtanggi sa kanya. Nabulagan sila ng kanilang kasalanan.
Si propeta Samuel ay nabulagan din dahil sa kanyang maling expectation. Pinadala siya ng Diyos sa Betlehem upang pahiran ng langis ang isang anak ni Jesse na maging hari na kapalit ni Saul. Ang kanyang akala sa isang hari ay isang lalaking magiting at malakas. Ganoon si Saul noong unang pinili siyang hari. Siya ang pinakamatangkad sa lahat, malakas at pinakagwapo. Kaya noong makita ni Samuel si Eliab, ang panganay na anak ni Jesse nasabi niya na ito na siguro ang hinirang ng Diyos kasi magiting, malakas at gwapo siya. Pero hindi siya ang pinili ng Diyos, at hindi ni isa man sa pitong anak na dinala ni Jesse sa harap niya. Wala sa kanila ang pinili ng Diyos kasi iba ang batayan ng Diyos. Hindi panlabas ang tinitignan ng Diyos kundi ang puso. Ang napili ng Diyos ay ang pinakabunso na hindi nga pinahalagahan ng tatay niya, si David. Pinaiwan siya na mag-alaga ng mga tupan. Maliit pa siya at walang pakinabang. Siya ang napili ng Diyos.
Nananatili tayo sa kadiliman kung tayo ay nabubulagan ng ating kasalanan at nabubulagan ng ating mga biases o expectations. Upang makapunta tayo sa Liwanag, pag-aralan natin ang kalooban ng Diyos at ano ang kalugud-lugod sa kanya, hindi ang ating gusto o ang ating hilig. At kung makita na natin ang kagustuhan ng Diyos, mamuhay tayo ng nararapat sa mga taong naliwanagan na ang ibinubunga nitong pamumuhay ay mabuti, matuwid at totoo.
May isa pa tayong pananagutan kung makita na natin ang liwanag. Hindi lang sapat na mamuhay ayon sa liwanag kundi dapat din ilantad ang mga gawain ng kadiliman – ang masasama. Kailangan nating gawin ito ngayong panahon na maraming kasamaan ay nagagawa sa kadaliman at kasinungalingan. Ayaw ng mga tao, lalo na ng mga nasa poder, na maliwanagan sila ng katotohanan. Kaya ayaw ipasa ng mga congresista at mga senador natin ang batas na Freedom of Information na magbibigay ng karapatan sa sinumang mamamayan na humingi ng mga datos sa mga namamahala. Ayaw nila ng transparency kasi nagtatago sila sa kadiliman. Kaya ayaw ipaimbistiga sa international court ang mga gumawa ng Extra Judicial Killing sa Drug War noong nakaraang administrasyon. May sapat naman daw tayong batas, pero alam natin na malaki ang pagkukulang ng ating mga korte na magbigay ng katarungan sa mga naaapi. May sapat naman daw tayong batas pero nakakulong pa si Leila De Lima kahit wala siyang kasalanan. Nasaan iyong sapat na batas natin? Kung si Leila De Lima na isang kilalang tao, na isang dating senador, ay hindi nabibigyan ng katarungan, ano pa kaya ang mga maliliit na tao na basta basta na lang pinagbibintangan at ni re-red tag. Kung nasa liwanag tayo, liwanagan natin ang mga gawain ng kadiliman. Ilantad ang mga panlilinlang. Magsalita at manawagan tayo ng accountability!
Mga kapatid, nakakatakot ang liwanag. Pero si Jesus ang liwanag ng mundo. Binubuksan niya ang mata ng mga bulag. Inilalantad niya ang mga gawain ng kadiliman. Kaya sinasabi sa atin: “Gumising ka, ikaw na natutulog, magbangon ka mula sa mga patay, at liliwanagan ka ni Kristo.”