251 total views
Inihayag ng Philippine National Police na hindi dapat mabahala ang publiko kaugnay ng terror alert level 3 na nakataas sa bansa ngayon.
Ayon kay PNP spokesman, Sr. Supt. Dionardo Carlos mayroon pang terror alert level 4 na ang katumbas ay “severe” at terror alert level 4-B na ang katumbas ay “critical”.
Sa kabila ng pagtaas ng alerto, pinayuhan ng PNP ang publiko na ipagpatuloy lang ang normal na buhay, maging mapagmasid, mag-ingat at huwag mag panic.
Sa terror alert level 3, asahan ng publiko ang mas mahigpit na pagpapatupad ng seguridad lalo na ang pagsasagawa ng mga random at mobile checkpoints.
“May 5 levels ang anti terrorism council sa anti terror system , we are at level 3 ito ay high meaning may possibility for a terrorist attack in a short period of time, dito sa Metro Manila naglelevel 2-3 lang tayo depende sa sitwasyon na nalalaman ng ating intelligence units,” pahayag ni Carlos sa panayam ng Radio Veritas.
Idineklara ng PNP ang terror alert level 3 sa buong bansa kasunod ng pagkaka-aresto sa 2 hinihinalang terorista mula sa Maute group sa Mindanao na sinasabing nag-iwan ng bomba malapit sa US embassy sa Maynila.
Sa ulat nasa 105 na insidente na ng pambobomba ang naganap sa Pilipinas simula 1970 kung saan humigit kumulang isang libo na ang nasawi.
Mariing kinokondena ng Santo Papa Francisco ang terorismo dahil sa labis itong nagpapahirap sa mamamayan lalo na sa mga bata, kababaihan at nakatatanda na silang pangunahing apektado ng kaguluhan.