5,751 total views
Umaasa ang grupo ng magsasaka na magkaroon ang Pilipinas ng wastong weather o climate mapping para makatulong sa mga manggagawang bukid.
Ayon kay Federation of Free Farmers Chairperson Leonardo Montemayor ito ang dapat pagtuunan ng pamahalaan upang matulungan ang mga magsasaka sa pagdesisyon ng mga itatanim sang-ayon sa panahon.
Ito ang tugon ng grupo sa naalapit na tag-init sa bansa na malaki ang maging epekto sa mga magsasaka lalo na sa mga lugar na walang sapat na irigasyon.
“I think yung information sa weather pattern napaka kritikal niyan sa ating desisyon sa mga magsasaka kung ano at kailan magtatanim,” ani Montemayor sa Radio Veritas.
Nangangamba ang grupo na labis maapektuhan lalo ang magsasaka ng palay lalo’t sa taya humigit kumulang sa 50 porsyento lamang sa bansa ang may patubig habang karamihan ay umaasa lamang sa tubig ulan.
Sinabi ni Montemayor na dapat mapaunlad ang kaalaman ng mga magsasaka sa larangan ng makabagong teknolohiya sa pagsasaka upang matulungang madagdagan ang produksyon at tumaas ang kanilang kita.
Gayunpaman binigyang diin nito na dapat sapat at abot kaya ng mga magsasaka ang teknolohiyang gagamitin sa pagsasaka tulad ng ginagamit ng Israel para mapalakas ang sektor ng agrikultura.
“Mabuti naman yung ideya ng mga latest technologies ay makarating sa ating mga magsasaka para magamit natin ito to increase yung production pero kailangan isuguro natin na ang technologies na iyan ay angkop sa financial capacity ng ating mga magsasaka,” giit ni Montemayor.
Pinuri din ng grupo ang kahandaan ng National Irrigation Administration sa pakikipagdiyalogo sa mga magsasaka upang mapunan ang suliranin sa patubig sa bansa lalo na sa mga lugar na walang sapat na irigasyong makatutulong sa magsasaka.
Apela ni Montemayor ang pagtitipid ng tubig upang hindi masayang at may gagamitin kung sakaling magkaroon ng El Nino phenomenon.
Samantala tiniyak ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS na sapat ang suplay ng tubig sa bansa sa kabila ng nalalapit na tag-init.
“Maswerte po tayo ngayong taon kasi umabot po tayo ng 214 irrigation. Yung 214 po ay sapat po para sa darating na tagtuyot natin hangang Abril o Mayo,” saad ni MWSS Administrator Jose Dorado.
Bahagi ng Compendium of the Social Doctrine of the Church ang karapatan ng bawat mamamayan ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng malinis na tubig sapagkat ito ay isa sa mga pangunahing pangangailangan ng tao.