17,313 total views
Nilinaw ng Bureau of Immigration na karaniwang dokumento sa pagbiyahe abroad ang kinakailangang dalhin at ipakita sa immigration officer.
Ito ang pahayag ni B.I Spokesperson Dana Sandoval sa Radio Veritas kaugnay sa maraming reklamo laban sa immigration officers sa mga paliparan na dahilan ng pagkaantala ng mga pasahero.
Ayon kay Sandoval pinaiigting ng ahensya ang kanilang pagbabantay sa mga lumalabas ng bansa lalo’t talamak ang kaso ng human trafficking.
“We would like to clarify po na ang yearbook, ang diploma ay hindi po natin kailangan dalhin dahil mabigat po iyon, h’wag na po natin dalhin…ang basic requirements po for travel is passport, round trip ticket and visa kung kinakailangan po doon sa bansang pupuntahan and of course yung mga supporting documents depending on a type of traveler that you are,” pahayag ni Sandoval sa Radio Veritas.
Paliwanag ni Sandoval na hindi lahat ng pasahero ay dumadaan sa secondary inspection maliban sa mga kahina-hinalang indibidwal.
“Yung mga na-subject sa secondary inspection kapag may nakikita lamang po na red flag doon sa primary inspection,” giit ni Sandoval.
Sinabi ng opisyal na gumagamit ng triangulation of greetings ang immigration officer’s kung saan titingnan ang sagot, mga dokumento gayundin ang ikinikilos ng tao habang nagsagawa ng inspection.
Aniya, pinaiigting ng B.I ang mga hakbang upang mapigilan ang mga biktima ng human trafficking lalo’t karamihan sa nabibiktima ng international syndicates ay mga propesyunal.
Sa datos ng pamahalaan noong 2022 nasa 50-libo ang na-intercept ng ahensya, 26 na libo rito ang kulang sa dokumento habang halos 400 ang posibleng biktima ng human trafficking.
Hinimok ni Sandoval ang mamamayan na biktima ng tiwaling immigration officers na ipagbigay alam sa ahensya upang maparusahan ang mga sangkot sa katiwalian.
“We immediately implement sanctions to any erring immigration officers…kung may naririnig po tayong alingasngas o complaints o reports about sa illegal activities of our people, we initiate administrative disciplinary action,” saad ni Sandoval.