2,179 total views
Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mamamayan na makibahagi sa pagdiriwang ng Earth Hour 2023 ngayong Sabado, ika-25 ng Marso.
Ayon kay Baguio Bishop Victor Bendico, mahalagang tumalima ang bawat isa sa hinaing ng inang kalikasan na lubos nang apektado ng mga pinsalang sanhi ng pagmamalabis ng mga tao.
Paliwanag ni Bishop Bendico na hindi masama ang pag-unlad ngunit dapat isaalang-alang ang kapakanan ng kalikasan laban sa pagkapinsala.
Tinukoy ng Obispo ang iba’t ibang uri ng polusyon, krisis sa basura, pagpuputol ng mga punongkahoy, at pagpapatag ng kabundukan na nagreresulta sa malawakang pagbaha lalo na sa mabababang lugar.
“Let us be reminded that urbanization and development when it becomes excessive has its collateral damage: urban decay. Environmental concerns like air pollutions, shrinking forest areas and watershed, traffic congestion, biodiversity loss and garbage problem are the end results,” pahayag ni Bishop Bendico sa panayam ng Radio Veritas.
Hinikayat din ni Bishop Bendico ang bawat isa na magpatay ng mga ilaw at iba pang kagamitang de-kuryente sa loob ng isang oras bilang pakikiisa sa adbokasiya ng Earth Hour.
Gayundin ang pagsisikap na isabuhay ang pagiging mabubuting katiwala ng sangnilkha upang mapanatili ang nag-iisang tahanan para sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon.
“Let us be stewards of God’s gift of creation. There is an inner call requiring a response of commitment for the future of our children and our common home,” ayon kay Bishop Bendico.
Si Bishop Bendico na siya ring chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Liturgy ay kabilang sa mga magbibigay ng maikling pagninilay sa “Ang Banal na Oras para sa Kalikasan: Earth Hour 2023 #BiggestHourForEarth” special programming ng Radio Veritas sa March 25 mula alas-otso hanggang alas-10 ng gabi.
Taong 2007 nang unang isagawa ang Earth Hour sa Sydney, Australia, at 2008 nang ilunsad naman ito sa Pilipinas sa pangunguna ng World Wide Fund for Nature-Philippines.