985 total views
Kailangang pakinggan ng pamahalaan ang hinaing ng mga kabataan na inaasahang kinabukasan ng bansa.
Pinuri at hinahangaan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Permanent Committee on Public Affairs ang pagiging mulat at aktibong pakikilahok ng mga kabataan sa serye ng kilos protesta laban palihim na Marcos burial sa libingan ng mga bayani.
Ayon kay Father Jerome Secillano, executive secretary ng kumisyon, karapatan ng bawat Filipino na maglabas ng saloobin at pananaw sa mga isyu at pangyayari sa Pilipinas.
Iginiit ni Father Secillano na dapat pakinggan at gawan ng tugon ng pamahalaan ang dahilan o ugat ng mga pagtitipon at kilos protesta ng taumbayan lalo na ang mga kabataan.
Inihayag ng pari na hindi dapat isantabi ang nagkakaisang sigaw o hinaing ng taongbayan sa lansangan dahil hindi ito makakatulong sa pagkakaisa at pag-usad ng ating bayan.
“Karapatan ng bawat Pilipino ang maglabas ng saloobin at pananaw tungkol sa mga isyu at pangyayari sa ating lipunan. Anuman ang dahilan ng kanilang pagtitipon at pag-protesta, marapat lamang na ito ay pakinggan ng mga kinauukulan. Hindi dapat isantabi lang ang kanilang mga hinaing dahil hindi ito makakatulong sa pag-kakaisa at pag-usad ng ating bayan.”
Umaabot sa 15-libong kabataan mula sa iba’t-ibang paraalan at organisasyon ang nakiisa sa kilos protesta sa People Power monument noong ika-30 ng Nobyembre 2016 para iparating sa pamahalaan ang kanilang pagtutol na ilibing sa libingan ng mga bayani ang dating diktador Ferdinand Marcos.