386 total views
Kailangang maging mapagmatyag at bantayan ng mamamayan ang mga proyekto at polisiyang gagawin ng administrasyong Duterte.
Ito ang panawagan ni dating CBCP – president at Lingayen, Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz matapos sabihin ng kasalukuyang administrasyon na gagastos ito ng 9-na bilyong piso sa susunod na anim na taon para lamang sa imprastraktura.
Pahayag ni Archbishop Cruz na hindi ito salungat sa hangarin ng economic council ni Pangulong Rodgrigo Duterte kung ito para sa ikauunlad ng bansa at common good ng taumbayan.
Ngunit pinaalalahanan ng Arsobispo ang gobyerno na maging transparent sa gagastusin sa mga infrastructure projects na dapat ay nakikita at napapakinabangan ng taumbayan at hindi naibubulsa ng iilang tiwaling opisyal.
“Magandang balita iyan at nasa lugar naman iyang mga iyan. Siyempre bagaman sinasabi natin na wasto itong mga programang itong mga agenda na ito ay siyempre sa kahuli – hulihan niyan ang titingnan natin ay kung anong nangyari pagkatapos kung ano ang ginawa at kung ano ang natapos. Tama yung mga plano, tama yung mga adhikain pero siyempre, titingnan natin kung saan ang kahihinatnan niyan kung iyan ay magiging totoo, kung iyan ay magiging wasto,” pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam ng Veritas Patrol.
Magugunitang sinabi ni Budget Secretary Benjamin Diokno na aprubado na ang proposed 3.35 trillion pesos national budget para sa 2017 sa Senado.
Iginiit ni Diokno na target nilang maipatupad ang 24 hours na konstruksyon sa infra projects para sa Manila, Cebu at Davao, upang makalikha ng 1-milyong trabaho sa susunod na taon.
Nabatid na nakasaad sa katuruang panlipunan ng Simbahang Katolika na ang pondo ng bayan ay dapat ay napapakinabangan ng lahat lalo ng mga mahihirap sa mga proyektong magpapa – angat ng kanilang kabuhayan.