344 total views
Homiliya para sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma, 26 Marso 2023, Juan 11:19-27
Sa kuwento tungkol sa muling pagpapabangon ni Hesus kay Lazaro, ang tutukan natin ng pansin ay si MARTA. Ang paglalakbay niya mula sa “ALAM KO” tungo sa “SUMASAMPALATAYA AKO.” Kung paanong binago ni Hesus ang bokabularyo niya, gayundin ang attitude niya.
Consistent ang kwento sa paglalarawan sa “strong personality” ni Marta, lalo na sa Lukas 10. Siya lang yata ang karakter na malakas ang loob na pagsabihan si Hesus, pagalitan siya o pag-utusan siya. Palagay ko talagang close sila.
Dito rin, malakas ang loob niya. Dalawang beses niya sinagot nang pabaláng si Hesus. Sa una, pagkatapos niyang ilabas ang sama ng loob niya: “ Kung narito ka lang hindi sana namatay ang kapatid ko. Ngunit kahit ngayon, ALAM KOng ibibigay sa iyo ng Diyos ang anumang hilingin mo sa kanya.” (Juan 11:21-22)
At ang sagot ni Jesus sa v.23 ay, “Muling mabubuhay ang kapatid mo.” Magri-react naman ulit nang pabaláng si Marta sa v.24, “ALAM KOng mabubuhay siyang muli… sa wakas ng panahon.” Parang sarcastic ang dating—kailan iyon?!
Pagkasabi niya nito siya naman ang mapagsasabihan nang pabalang sa vv. 25-26: “Ako ang muling pagkabuhay at ang ang buhay. Ang sumampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay. At ang sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Sumasampalataya ka ba sa sinabi ko?” Take note, hindi tinanong ni Hesus, “Alam mo ba ito?” Kundi, “Sumasampalataya ka ba dito?” Para ba siyang pinaglalakbay mula sa kaalaman ng isip tungo sa kaalaman ng puso sa gitna ng pagluluksa.
Kapag nagluluksa ang tao, para siyang nadidiliman. Lalo na kapag sa pakiwari niya para bang pinabayaan o kinalimutan na siya ng Diyos. May mga sitwasyon na hindi natin lubos maunawaan. At ang mga tanong natin ay hindi madaling sagutin. Tulad ng : Panginoon, Bakit nangyari ito sa kapatid ko? Bakit hinayaan mong mangyari? Question pa lang ng kapatid iyan.
Mas masakit daw kapag ang nagtatanong ay magulang—katulad ng binasbasan ko kahapon: nag-iisang anak ng kanyang mga magulang, 17 anyos. Nsgsuicide dahil sa depression. Sabi nila—sa Ingles may tumpak na salita para sa babaeng nawalan ng asawa: widow; o sa lalaking nawalan ng asawa, widower. Mayroon din sa namatayan ng magulang: orphan. Ano ang tawag sa nawalan ng anak? Wala, dahil walang salita daw na angkop para ilarawan ang sakit at pait ng mawalan ng anak.
Sabi nila, ang nagluluksa ay parang wala sa sarili. Itong si Marta na dating nagkakandarapa para i-welcome ang kaibigan, ngayon sumbat ang isasalubong sa kaibigan. Uulitin pa ng kapatid niyang si Maria, maya-maya. KUNG NARITO KA LANG. Ibig sabihin—nasaan ka noong kailangan ka namin?
Pero si Hesus hindi na nangatwiran. Hindi na siya nagpaliwanag na wanted siya sa Judea. Pinipigilan nga siya ng mga alagad dahil may peligro aarestuhin siya ng mga awtoridad sa Jerusalem. Tapos, sisisihin pa siya pagdating niya. Kamatayan niya ang magiging kapalit ng pagbuhay niya sa kaibigan. Pero hindi na siya nagpaliwanag. Hindi iyon ang sagot sa bakit ng magkapatid.
Minsan, talagang mas mabuti ang tumahimik na lang kaysa magsalita sa mga taong nagluluksa. Mas mabuting iparamdam na lang na naroon tayo para sa kanila. May mga sitwasyon talaga na hindi sapat ang ALAM natin. May mga tanong na bakit na hindi kayang sagutin ng nalalaman natin.
Kaya nang sabihin ni Hesus ang tungkol sa pagkabuhay, hindi niya sinabi kay Marta, ALAM MO BA ITO? Sa halip, ang tanong niya ay SUMASAMPALATAYA KA BA DITO?
Kapag hindi sapat ang nalalaman natin noon pa lang tayo nagsisimulang sumampalataya. Kaya tatlong beses gagamitin ni Hesus ang salitang SUMAMPALATAYA: Juan 11:25-26: “Ako ang muling pagkabuhay at ang ang buhay. Ang SUMASAMPALATAYA sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay. At ang sinumang nabubuhay at SUMASAMPALATAYA sa akin ay hindi mamamatay kailanman. SUMASAMPALATAYA ka ba sa sinabi ko?”
At ang isasagot ni Martha ay “Oo, Panginoon. Sumasampalataya ako na ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos, ang hinihintay na darating sa mundo.” Ito ang parang TURNING POINT sa buhay ni Marta. Nang ipahayag niya kung sino si Hesus sa kanya. Take note, nauna ang pagpapahayag ni Marta ng pananampalataya kaysa pagpapabangon ni Hesus kay Lazaro. Iyung iba naniwala pa lang matapos na buhayin niya si Lazaro. Kay Marta, baligtad. Nagpahayag muna siya ng pananampalataya, bago pinabangon si Lazaro. Maraming iba pang pagkakataon na tinatanong muna ni Hesus kung sumasampalataya ba ang tao bago ipinaranas sa kanila ang isang milagro.
Kailangan din ng Diyos ang ating bahagi, ang ating pananampalataya para maiparanas niya sa atin ang kanyang biyaya.
Kung ang transition kay Lazaro ay mula kamatayan tungo sa muling pagbangon, kay Marta ito’y mula sa KAALAMAN tungo sa PANANAMPALATAYA—bilang ibang antas ng kaalaman. Lumuha daw si Maria at napaluha din si Hesus nang makitang umiiyak si Maria. Pero hindi sapat ang luha para magpabangon mula sa patay. Kailangan din ang pananampalataya natin.
Bago binuhay ni Hesus si Lazaro, binuhay muna niya ang loob ng magkapatid, lalo na si Martha. Ito ay kuwento ng conversion ni Marta. Kailangang maranasan ito ng mga taong tulad niya na tipong strong personality, assertive, at confrontational. Yun bang may pagka-manager type, may pagka-demanding dahil sanay sa sitwasyong maayos at kontrolado. Darating at darating ang mga sandaling hindi mo kontrolado, at hindi na sapat ang nalalaman mo, kahit gaano ka pa katalino at maabilidad. Noon pa lang natututo ang tao na sumuko at sumampalataya.
Hindi totoo na ang pananampalataya ay parang bulag na paglundag sa dilim. Ang pananampalataya ay kakaibang antas ng pag-unawa na bunga ng mga karanasang unti-unting magmumulat sa atin sa galaw ng Diyos sa buhay natin. Di ba ganito ang sinasabi ng popular na kantang “I Believe?”
“Every time I hear a newborn baby cry, or touch a leaf or see the sky, then I know why I believe.” It when I believe that I begin to know why. Sa pananampalataya, noon ko pa lang nalalaman talaga kung bakit.