972 total views
Pinaalalahanan ng Simbahang Katolika ang mga mananampalaya na patuloy na magpadama ng habag ng Diyos lalo na sa mga pulubing nanlilimos sa daan ngayong Kapaskuhan taliwas sa banta ng DSWD o Department of Social Welfare and Development na iwasan ang mga ito.
Ayon kay Arsobispo Emerito ng San Fernando, Pampanga Paciano Aniceto, dating chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Family and Life, talamak ang kahirapan sa bansa dahil na rin sa kawalan ng opurtunidad at trabaho kaya’t napipilitan ang iba na manlimos.
“Talagang mayroong rampant poverty ang ating bansa. Kawawa tayo walang jobs at umuwi pa iyong ibang OFWs. We are poor dahil walang hanap buhay na may dangal ang ating mga kababayan. Kaya ang pamilya dapat mabigyan ng probisyon ang mga miyembro. Ang mga anak na iyan nagpapalimos kung minsan talagang hindi kakain iyan kung hindi magpapalimos,” pahayag ni Archbishop Aniceto sa panayam ng Veritas Patrol.
Sinabi pa ni Archbishop Aniceto na hindi masusugpo ng DSWD ang mga nanlilimos kung hindi nito tutugunan ang kahirapan na umiiral sa bansa.
Iginiit pa ng Arsobispo na umiiral pa rin ang kultura ng karamutan sa pamumuhay ng pamilyang Pilipino kaya’t hinimok nito ang 88-porsiyento ng Romano Katoliko sa bansa na matutong magbahagi ng biyaya ngayong Pasko.
“Hindi rin masugpo ng DSWD iyan kailangan tayong lahat sa pamilya tulungan natin yung ating mga kababayan na mahihirap… Ang kultura rin natin ang ating social living ay maramot siguro this is a basic human value, this is inclined in our name as a Christian nation. Pinakamarami ang Kristiyano, sana sa ating kakayahan mag – share tayo gawin natin ito during Christmas at kahit hindi pasko,” giit pa ni Archbishop Aniceto sa Radyo Veritas.
Sa datos naman ng Philippine Statistics Authority o PSA na 12.1 percent ng populasyon ng bansa o 12.18 milyong Pilipino ang hindi sapat ang kanilang kinikita upang makakain ng tatlong beses sa isang araw.
Ilan naman sa mga kumakalinga ng mga batang kalye sa Metro Manila ay ang Tulay Ng Kabataan Foundation na magugunitang binisita ng kanyang Kabanalan Francisco noong bumisita ito sa Pilipinas.