1,553 total views
Ang tunay na mga bayani ay ang mga naging biktima ng Batas Militar o Martial Law at hindi si dating Pangulong Ferdinand Marcos na lumapastangan sa karapatang pantao ng mga mamamayan.
Ayon kay Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP) Vice Chairman Fr. Eduardo Apugan, tunay na dapat na bigyang parangal ay ang mga indibidwal na nag-alay ng kanilang buhay para sa kalayaang tinatamasa ng bansa sa ngayon.
Kaugnay nito, hinimok ng Pari ang lahat na magsama-sama upang tutulan ang nagaganap na pagbabaliktad sa kasaysayan o revision of history”ng bansa at ang pagpaparangal sa maling tao na nagdulot ng malaking kapinsalaan sa bayan.
“ang tunay na bayani ay ang mga naging biktima ng Martial Law, ang mga tunay na dapat bigyan ng parangal ay ang mga tao na nawala na hanggang ngayon ay hindi pa nakikita, para sa amin kung ito ay ang pagbaliktad ng kasaysayan ay hindi namin ito papayagan”. pahayag ni Father Apugan sa Radio Veritas.
Ika-8 ng Nobyembre ng lumabas ang desisyon ng Korte Suprema na nagpapahintulot sa paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, ngunit makalipas lamang ang 10-araw ay palihim nang inihimlay ng pamilya Marcos ang mga labi ng dating Pangulo sa 103-hektaryang Libingan ng mga Bayani noong ika-18 ng Nobyembre.
Kaugnay rin nito, ika-29 ng Nobyembre ng ipinag-utos ng Supreme Court (SC) sa kampo ng pamilya Marcos at Office of the Solicitor General (OSG) na magkomento sa dalawang inihaing motion for reconsideration (MR) at ilang petisyon ng mga grupong kontra sa paglibing kay dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) sa loob ng 10-araw.
Sa tala, sa ilalim ng Martial Law, aabot sa higit 3,200 ang pinaslang habang higit 75-libong indibidwal ang lumapit sa Human Rights Claims Board na biktima ng iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Batas Militar at Rehimeng Marcos.