2,321 total views
Huwag isantabi ang magkaugnay na tungkulin ng tao sa pangangalaga ng sarili at kalikasan.
Ito ang panawagan ni Jaro, Iloilo Archbishop Jose Romeo Lazo sa mga pagsubok na kinakaharap ng inang kalikasan bunsod ng patuloy na pagbabago ng klima ng daigdig.
Ayon kay Archbishop Lazo, ang lahat ng likas na yaman tulad ng mga puno, ilog, kabundukan, at karagatan ay may kaugnayan sa buhay ng tao dahil sa iniatas na tungkuling maging tagapangalaga at katiwala ng sangnilikha ng Diyos.
“As we journey in harmony as a human family, we cannot disregard our common mission—to live sustainable lives for ourselves and for the sake of the future generations,” pagbabahagi ni Archbishop Lazo sa Radio Veritas.
Hinimok din ng Arsobispo ang bawat isa na pakinggan ang tinig ng nagdadalamhating kalikasan kabilang na ang mga katutubong direktang apektado ng pang-aabuso ng mga tao.
“Let us listen to the message of our Mother Earth, who longs also for healing from human greed and self-destructive behavior,” ayon sa Arsobispo.
Ibinahagi rin ng Arsobispo ang pakikiisa ng simbahan sa Earth Hour noong Marso 25 at kanyang iginiit na hindi lamang ito inisyatibo upang makatipid sa kuryente, kun’di panawagang baguhin ang mga nakasanayan at isabuhay ang mga turo mula sa Laudato Si’ ng Kanyang Kabanalan Francisco.
“It’s a collective voice given to the call to renew our commitment to a change of lifestyle that is compatible to our Christian set of values,” saad ni Archbishop Lazo.
Nanatili ang pagiging aktibo ng Simbahang Katolika sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor ng lipunan upang isulong ang pangangalaga at pagpapanatili sa nag-iisang tahanan.
Kabilang na rito ang 2022 Pastoral Statement ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na “A Call for Unity and Action amid a Climate Emergency and Planetary Crisis”, na layong bigyang kamalayan ang mamamayan sa labis na epekto ng pagkapinsala ng kapaligiran.
Panawagan din ito upang isulong ang pagsasantabi sa pamumuhunan sa mga industriya tulad ng pagmimina at coal-fired power plants na pinsala ang dulot sa buhay ng tao at kalikasan.
Pinakililos din ng Simbahan ang mamamayan na sama-samang tugunan ang lumalalang epekto ng pagbabago ng klima na nagdudulot ng polusyon at matinding init na nararanasan sa kasalukuyan.