3,159 total views
Pinahihintulutan na ng Archdiocese of Cebu ang pagtanggap ng banal na komunyon sa bibig.
Ito ay kaugnay na rin sa pagbabawal ng simbahan dulot na rin ng panganib sa kalusugan na hatid ng novel coronavirus pandemic.
Ang hakbang ng arkidiyosesis ay kasunod na rin nang pagluluwag sa protocol kaugnay sa pandemya, bagama’t naitatala na rin ang pagbaba ng COVID-19 cases sa bansa.
Hinimok din Cebu Archbishop Jose Palma ang mga pari at eucharistic ministers na banggitin ang katagang ‘the Body of Christ’ sa bawat mananampalatayang tatanggap ng komunyon.
“Although Holy Communion may now be given on the tongue, Holy Communion on the hand is still the safest and preferred way of receiving Holy Communion,” bahagi ng liham sirkular ng arkidiyosesis.
Kabilang sa inamiyendahang liturgical protocols ang panawagan sa mamamayan na makiisa sa mga gawain ng simbahan lalo ngayong Semana Santa.
Gayunpaman, ipinagbabawal pa rin ng simbahan ang paghalik sa krus sa Biyernes Santo sa pagpaparangal ng krus ni Hesus sa halip ay hinimok ang mananampalataya sa pag-genuflect tanda ng paggalang at pagbibigay pugay.
Pinahihintulutan naman ang paghawak sa mga imahe lalo pagkatapos ng prusisyon sa Biyernes Santo.
Sa kabila ng pagluluwag ng protocols ay patuloy ang panawagan ni Archbishop Palma sa mga lingkod ng simbahan at mamamayan na maging maingat upang maiwasan ang pagkahawa sa anumang uri ng sakit kabilang na ang COVID-19.
“The wearing of face mask is now optional; while pastors and church personnel are still encouraged to provide sanitation materials such as alcohol at the main door of the church,” saad ng arkidiyosesis.
Ayon sa datos ng Department of Health sa mahigit apat na milyong COVID cases sa bansa bumaba sa halos 300 kaso ang naitatala sa araw-araw.