2,419 total views
Ayon kay archdiocese of Manila ‘ Vicar General Fr. Reginald Malicdem, bagamat maraming grupo at institusyon ang tumutulong sa pamayanan natatangi ang pagmamalasakit ng social arm ng arkidiyosesis sa mga nangangailangan.
“Kaya mahalaga yung ginagawa ng Caritas Manila dahil yung pagtulong ay hindi lamang simpleng social work dahil ito ay bunga ng pananalig at pagtupad sa utos ng Diyos na magmahal sa kapwa,” pahayag ni Fr. Malicdem sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng pari na ang buod sa gawain ng Caritas Manila ay pag-ibig at kawanggawa na pinakapuso ng turo ni Hesus.
Sa ginanap na Caritas Manila Alay-Kapwa Telethon hinimok ni Fr. Malicdem ang mamamayan na makiisa sa mga gawain at proyekto ng simbahan bilang pagtupad sa utos ng Panginoon.
“Yung pagmamahal pinapakita natin sa paglilingkod at sa pagtulong lalong-lalo na sa ating mga kapatid na nangangailangan,” ani Fr. Malicdem.
Batid ng opisyal na sa pitong dekadang paglilingkod ng Caritas Manila ay patuloy ang paglawak ng mga programa upang tugunan ang pangangailangan ng mamamayan kaya’t buo ang suporta ng arkidiyosesis sa mga proyekto ng social arm.
Layunin ng telethon na makalikom ng llimang milyong piso para sa disaster at relief response ng simbahan sa mamamayang maapektuhan ng anumang uri ng kalamidad.
Paanyaya ni Fr. Malicdem sa mananampalataya na pabanalin ang pagdiriwang ng mga Mahal na Araw sa pamamagitan ng pakikiisa sa mga charity work ng simbahan tulad ng layunin ng Alay-Kapwa telethon.
“Ang ating pagsuporta sa Alay-Kapwa telethon ng Caritas Manila ay pagpapahayag ng ating pag-ibig sa Diyos at pag -big sa kapwa. Gawin nating holy o banal ang linggong ito dahil sa ating pag-ibig at yung pag-ibig na yun ay maipakikita natin sa pagtulong at paglilingkod sa ating kapwa,” giit ni Fr. Malicdem.
Gayunpaman bagamat isang araw lamang ang nakatalaga sa telethon tiniyak ng Caritas Manila na bukas ito anumang oras para sa mga nais magpaabot ng tulong sa kapwa sapagkat ang institusyon ay instrumento sa pagpadaloy ng biyaya sa mamamayan.