2,147 total views
Umapela ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Pontificio Collegio Filippino sa mamamayan na i-alay sa Kanyang Kabanalan Francisco ang mga panalangin at pagninilay ngayong Mahal na Araw.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos magandang pagkakataon ang paglalakbay sa Mahal na Araw na maglaan ng panahon para pananalangin gayundin ang pagdarasal para sa mabuting kalusugan ng santo papa.
“Sa ating pananalangin at pagmamalasakit i-alay din natin ito sa ating mahal na Santo Papa Francisco na may karamdaman. Hilingin natin sa Panginoon na sa ating pakikiisa sa pagpapakasakit ni Hesus ay guminhawa at gumaling sa karamdaman ang Santo Papa,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Una na ring namalagi ng tatlong araw sa pagamutan ang santo papa dahil sa bronchitis. Si Pope Francis ay una na ring sumailalim sa colon operation noong nakaraang taon at pananakit ng tuhod sa nakalipas na dalawang taon.
Tiniyak naman ng Vatican na hindi mababago ang mga nakatakdang gawain ni Pope Francis sa Paschal Triduum kung saan nauna na nitong pinangunahan ang Palm Sunday Mass sa Vatican noong April 2.
Naniniwala si Bishop Santos na sa sama-samang pananalangin ng mananampalataya ay makamit ng santo papa ang pagbuti ng kalagayan at maipagpatuloy ang misyong pagpapastol sa mahigit isang bilyong katoliko.