3,061 total views
Kinondena ng Electric Consumers Group na Kuryente.Org ang kakulangan sa paghahanda ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na tiyaking hindi kakapusin ang suplay ng kuryente ngayong tag-init.
Ayon kay Roland Vibal – National Coordinator ng Kuryente.Org, nagkulang ang NGCP upang makapaghanda ng mga Ancillary Service Contract (ASC) na alternatibong mapag-kukunan ng kuryente sakaling maranasan ang yellow at red alert sa mga power plants.
“Ito ay kabigla-bigla dahil nitong mga nakaraan ang Department of Energy, siya mismong nagbibigay ng garantiya na hindi tayo makakaranas nitong mga red alerts na ito bagamat may sinasabi siyang pangilan-ngilan na yellow alert pero sa pangkalahatan ay ginagarantiya niya tayo na walang mangyayaring power outages batay sa suplay ng ating kuryente sa kasalukuyan,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Vibal.
Iginiit ni Vibal na hindi dapat sisihin ng NGCP ang Department of Energy (DOE) o Energy Regulatory Commission (ERC) sa hindi pag-apruba sa kasalukuyang Ancillary Services dahil obligasyon nila ito.
Ang mensahe ng Electric Consumers Group ay matapos ihayag ng NGCP na maaring maranasan ngayong panahon na tag-init ang kawalan ng suplay ng kuryente matapos hindi aprubahan ng DOE at ERC ang mga Ancillary Services Contracts na nakabinbin.
Kaugnay sa alternatibong mapagkukunan ng enerhiya, ay patuloy ang pagsusulong ng simbahang katolika ng renewable energy resources na malinis na mapagkukunan ng kuryente upang patuloy na magkaroon ng suplay ng enerhiya na hindi sinisira ang kalikasan.