3,488 total views
Naniniwala si Radio Veritas President Fr. Anton CT Pascual na mahalaga ang musika sa pagpapalago ng pananampalataya. Ito ang layunin ng himpilan sa paglunsad ng nationwide regular liturgical song writing contest na ‘Himig ng Katotohanan’.
Ayon kay Fr. Pascual tututukan sa song writing contest ang apat na processional song sa mga misa ang ‘entrance, offertory, communion, at recessional.’
“Ang pag-awit ay isang napakagandang paraan ng paglago sa buhay espiritwal, music is the language of the soul,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Hinimok ni Fr. Pascual ang mga Catholic composer lalo na ang mga choir sa mahigit tatlong libong parokya sa bansa na makilahok sa patimpalak at makatulong sa liturgical music ng simbahan.
Bukas ang patimpalak sa professional at amateur composers at kinakailangan ang endorsement ng kura paroko upang makasali.
Para sa karagdagang detalye bisitahin ang official website ng himpilan www.veritasph.net o sa Facebook DZRV 846 kung saan maaring makita at i-scan ang QR Code.
Inilunsad ang Himig ng Katotohanan noong April 9, Easter Sunday, kasabay sa ika – 54 na anibersaryo ng Radio Veritas sa pangunguna ni Fr. Pascual at Manila Archbishop at Radio Veritas Chairman Cardinal Jose Advincula.
Itinakda sa katapusan ng Agosto ang deadline ng mga entry sa patimpalak habang sa November 22 ang Finals kasabay ng kapistahan ni Sta. Cecilia ang patron ng Church music at mga choir ng simbahan.