474 total views
Mga Kapanalig, sa kasagsagan ng pagpapatupad ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, bukambibig ng mga suportado ang naturang patakaran na kung wala ka namang ginagawang labag sa batas, katulad ng paggamit ng iligal na droga, wala kang dapat ikatakot. Hindi ka dapat mangamba kung wala ka namang ginagawang mali. Hindi ka dapat matakot sa mga pulis kung wala ka namang itinatago.
Gamitin natin ang mga katagang ito ngayon sa mga ipinagtatanggol ang dating pangulo mula sa imbestigasyong nais gawin ng International Criminal Court (o ICC). Sa pagsisimula ng kasalukuyang taon, inanunsyo ng ICC na muli nitong bubuksan ang imbestigasyon nito para sa mga posibleng “crimes against humanity” sa ilalim ng madugong giyera kontra iligal na droga ng nakaraang administrasyon.1 Una na itong inanunsyo noong 2018 pero pansamantalang inihinto noong 2021 matapos tiyakin ng gobyernong iniimbestigahan nito ang pagkamatay ng libu-libo nating kababayan habang ipinatutupad ang war on drugs. Hindi na lingid sa ating kaalamang karamihan sa mga biktima ay mahihirap at sangkot, kung totoo man, sa small-time na pagtutulak ng iligal na droga. Mahigit anim na libo ang namatay sa mga operasyong ginawa ng kapulisan, habang hindi naman mabilang ang mga pinatay ng mga hindi natukoy na suspek.
Sa isang editoryal, tinalakay natin kung gaano kabagal at kakaunti ang mga kasong nabibigyan ng kalutasan. Ang pinakahuli ay ang kaso ng dalawang binatilyong pinatay ng pulis. Nahatulan ang nasa likod ng pagpatay kina Carl Angelo Arnaiz and Reynaldo “Kulot” De Guzman matapos ang limang taon.2 Ito ba ang patunay na gumagana ang sistemang pangkatarungan sa ating bansa? Hindi kumbinsido ang ICC.
Sa pagtutol ng ICC na ihinto nito ang imbestigasyon sa malawakan at sistematikong pagpatay sa mga pinaghihinalaang sangkot sa iligal na droga noong administrasyong Duterte, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr noong nakaraang linggo na tinutuldukan na ng gobyerno ang pakikilahok nito sa ICC. Pinuputol na nito ang ugnayan ng pamahalaan sa ICC. Hindi raw ito makikipagtulungan sa ICC dahil mistula itong panghihimasok at pag-atake sa soberenya ng ating republika.
Kung wala naman tayong itinatago, kung wala naman tayong ginagawang masama, bakit hindi hayaan ng gobyerno ang imbestigasyon ng ICC? Hindi ba ito makatutulong sa layunin ng pamahalaang pairalin ang katarungan sa ating bansa? Sinabi noon ng dating Pangulong Duterte na kailanman ay hindi siya nag-utos na patayin ang mga sangkot sa iligal na droga; bakit hindi niya ito patunayan sa ICC?
Mainam na paalala sa ating mga lider ang binibigyang-diin ng ating Santa Iglesia na ang gobyerno ay isang instrumento upang itaguyod ang dignidad ng tao, pangalagaan ang mga karapatang pantao, at itatag ang kabutihang panlahat o common good. Tinatalikuran ng gobyerno ang mga tungkuling ito kapag ang pinoprotektahan nito ay ang interes ng iilan o iisang tao. Kung tunay nitong pinahahalagahan ang katarungan, hindi nito mamasamain ang mga hakbang na layong mailabas ang katotohanan, mapanagot ang mga umabuso sa kanilang kapangyarihan, at magawaran ng katarungan ang mga pinakaitan ng pagkakataong ipagtanggol ang kanilang sarili sa tamang proseso ng batas.
Mga Kapanalig, sa madugong giyera kontra droga, buhay ng libu-libo nating kababayan ang pinag-uusapan—mga buhay na maaari sanang mabago upang maging produktibong miyembro ng ating lipunan, mga buhay na maaari sanang naisalba upang walang pamilyang mauulila. Patuloy ang sigaw para sa katarungan ng mga kababayan nating nawalan ng mahal sa buhay, mga mahina at ulila na ayon nga sa Mga Awit 82:3 ay dapat bigyan ng katarungan. Nakalulungkot na noon pa man, marami sa ating pinipiling takpan ang ating mga tainga nang hindi marinig ang kanilang pagtangis. Sa pagtalikod ng pamahalaang Pilipinas sa ICC, tuluyan na tayong naging bingi sa kanila.
Sumainyo ang katotohanan.