406 total views
Mga Kapanalig, maligayang Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus!
Lumabas sa Veritas Truth Survey na mayorya ng mananampalatayang Katoliko ang tumupad sa kanilang mga obligasyon nitong nagdaang Kuwaresma.1 Karamihan daw ng Katolikong Pilipino ay nag-ayuno o fasting, nangilin o abstinence, nagbigay ng limos o almsgiving, at nagdasal. Isinagawa ang survey mula Pebrero 22 o noong Miyerkules ng Abo, ang unang araw ng Kuwaresma hanggang Abril 1, Sabado bago ang Linggo ng Palaspas. Sa 1,200 respondents ng survey, 58% ang nagsabing hindi sila nahirapan sa kahit alin sa mga obligasyong nabanggit. Samantala, 26% ang nahirapan sa pag-aayuno, 10% sa pagbibigay ng limos, at tig-3% naman sa pangingilin at pagdarasal.
Kung titingnan ang resulta batay naman sa edad, 44% ng mga edad 18 hanggang 20 ang nagsabing hindi sila nahirapan sa kanilang mga obligasyon, ngunit kalahati sa kanila ang nagsabing nahirapan silang mag-ayuno. Sa mga edad 21 hanggang 39, nasa 43% ang nagsabing hindi rin sila nahirapan sa kanilang mga obligasyon, 35% ang nahirapan sa pag-aayuno, at 13% ang nahirapan sa pangingilin. Sa mga edad naman 40 hanggang 60, halos kalahati o 48% ang nagsabing hindi sila nahirapan sa kanilang mga obligasyon, 33% ang nahirapan sa pag-aayuno, at 19% ang nahirapan sa pagbibigay ng limos. Sa mga 61 taóng gulang pataas na hindi kasama sa kanilang mga obligasyon ang pag-aayuno, 84% ang nagsabing hindi sila nahirapan sa kanilang mga obligasyon pero nasa 11% sa grupong ito ang nahirapan sa pagbibigay ng limos.2
Para kay Fr. Clifford Sorita, ang punong-abalá sa pagsasagawa ng survey, sinasalamin ng mga resultang ito ang malalim na pananampalataya at debosyon ng mga Pilipinong Katoliko. Kaugnay nito, mahalagang alalahaning ang pagsasagawa ng mga obligasyon ay bahagi ng paghahanda sa Muling Pagkabuhay ni Hesus at ng misyong Kanyang iniwan sa ating mga tagasunod Niya.
Mahalagang tanungin: ngayong natapos na ang Kuwaresma at Semana Santa, anong kahulugan ng pagsasagawa ng mga obligasyong ito? Tapos na rin ba ang mga obligasyong ito, lalo na ang pagbibigay ng limos? Lumalim ba ang ating pagpapahalaga sa dignidad ng tao at ang kagustuhan nating magawaran ng hustisya ang mga napatay sa madugong giyera kontra droga at iba pang krimen? Higit bang tumibay ang paninindigan natin para protektahan ang kalikasan at kalingain ang mga naisasantabi, lalo na sa mga isyung katulad ng pagtatayo ng Kaliwa Dam at mga mapanirang minahan at reklamasyon? Nahikayat ba tayong makilahok sa pamamahala at kuwestyunin ang mga kaduda-dudang ginagawa ng pamahalaan, katulad ng pagsusulong ng Charter change?
Tungkulin ng Santa Iglesia, kasama ang lahat ng mananamapalataya, na dalhin sa bawat sulok ng ating lipunan ang Mabuting Balita.3 Sa pamamagitan ng mga panlipunang turo ng Simbahan, ipinahahayag natin ang Mabuting Balita at ginagawa itong buháy sa gitna ng mga isyu sa lipunan natin ngayon.4 Tungkulin ng bawat mananampalatayang isabuhay ang mga turo ni Hesus. Sa mga bagay na sekular katulad ng pulitika, pamamahala, at ekonomiya, partikular na inaasahan ang mga layko na siguruhing naipahahayag ang Mabuting Balita.5
Mga Kapanalig, katulad ng tanong sa Santiago 2:14, “Anong pakikinabangin kung sinasabi ninuman na siya ay may pananampalataya, ngunit walang mga gawa?” Sa ibang salita, mahalaga ang pagtupad natin sa ating mga obligasyon nitong Kuwaresma at Semana Santa. Ngunit higit na mahalaga ang pagpapanibago ng kalooban natin at pagsigurong itinulak tayo ng mga obligasyong ating ginawa upang baguhin din ang mga bahagi ng ating lipunang malayo sa magandang plano ng Diyos. Sa Muling Pagkabuhay ni Hesus, iniiwan sa ating mga tagasunod Niya ang hamong isabuhay ang Mabuting Balita. Manindigan tayo para sa buhay ng tao, protektahan ang kalikasan, at isulong ang isang makatarungan at mapayapang lipunan.
Sumainyo ang katotohanan.