2,094 total views
Itinalaga ng Santo Papa Francisco si Filipino Cardinal Luis Antonio Tagle bilang kinatawan sa ikatlong National Eucharistic Congress of the Democratic Republic of Congo.
Isasagawa sa June 4 hanggang 11, 2023 ang pagtitipon sa Lubumbashi City sa anunsyo ng National Episcopal Conference of Congo.
“The Holy Father has appointed His Eminence Cardinal Luis Antonio G. Tagle, pro-prefect of the Dicastery for Evangelization, as his special envoy to the National Eucharistic Congress of the Democratic Republic of the Congo,” ayon sa pahayag ng Vatican.
Matatandaang naantala ng tatlong taon ang Eucharistic Congress sa lugar na unang itinakda noong 2020 dahil sa panganib na dulot ng COVID-19 pandemic.
Napagkasunduan ng mga obispo ng Congo na ipagpatuloy ang congress ngayong taon kasunod ng pagbisita ni Pope Francis sa bansa noong Enero.
Ayon sa kalipunan ng mga obispo bagamat naantala ng tatlong taon ay nanatiling handa ang Congo sa malaking pagtitipon para sa Eukaristiya na makatutulong sa pananampalataya ng 40% katoliko sa 90-milyong populasyon.
Unang ginawa ang Eucharistic Congress sa Congo noong 1933 sa Kisantu City na sinundan noong 1980 sa Kinshasa City.
Kamakailan ay ipinagkatiwala rin ni Pope Francis kay Cardinal Tagle ang buong pamamahala sa Section for the First Evangelization and New Particular Churches ng Dicastery for Evangelizations sa Vatican.