344 total views
Pagbibigay ng serbisyo, hanapbuhay at karapatang pantao.
Ayon sa Promotion of Church People’s Response (PCPR), ito ang kailangan ng mga biktima ng iligal na droga at hindi ang paslangin na karamihan sa kanila ay mga magulang.
Sinabi ni PCPR secretary-general Nardy Sabino, na marami ng naulila dahil sa maling kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
Binanggit ni Sabino ang kaso ng mag-asawang pinatay na may 7 mga anak.
“Ang solusyon hindi pagpatay kundi pagbibigay serbisyo sa tao lalo na sa mahihirap para makalayo sila sa sitwasyon na ito. May problema sila sa pagpapalibing hanggang sa mga naiwan problema nila, pinatay ang mag-asawa 7 ang anak, ano ang kinabukasan ng mga batang ito?” pahayag ni Sabino sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay nito, aktibo ang PCPR sa pagtulong sa pamahalaan sa rehabilitasyon ng mga sumukong drug addicts at pushers gaya ng paglulunsad ng psycho social therapy, health programs kasama na ang acupuncture para makondisyon ang kanilang “physical and mental” developments.
Makikipag-ugnayan din ang grupo sa pamahalaan sa pamamagitan ng DILG at ng DSWD para matulungan ang mga batang naulila dahil sa kampanya.
“Sa local naglulunsad kami ng program psycho social therapy, health programs kahit yung acupuncture para sa pagdetox ng mga substance sa katawan, inilunsad namin yan, mura yan minsan libre pa yan habang sa pamahalaan, makikipagdayaloyogo kami sa DILG at sa DSWD dahil sa mga batang nawalan na ng ama’t ina, mga balung kababaihan,” dagdag pa ni Sabino.
Sa ulat, tinatayang nasa 15,000 mga bata na ang naulila sa magulang kaugnay ng kampanya ng administrasyong Duterte kontra iligal na droga.
Sa ulat ng Philippine National Police, mula noong July 1, 2016 hanggang November 16, 2016, nasa 1, 884 na ang napapaslang sa kanilang lehitimong operasyon habang higit na sa 3,000 ang kaso ng extrajudicial killings.
Mariing kinokondena ng Simbahang Katolika ang pamamaraan ng gobyerno na labanan ang iligal na droga sa pamamagitan ng pamamaslang sa halip na bigyan ng pagkakataon na magbagong buhay ang mga suspek.
Ngayong alas 9 ng umaga, nagtungo sa tanggapan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang PCPR at iba pang sector upang ipanawagan na mali ang pamamaraan ng kampanya ng gobyerno kontra iligal na droga kasama na rin dito ang pakikiisa sa mga kapamilya ng mga biktima.