177 total views
Dismayado at duda ang In Defense of Human Rights and Dignity Movement o (iDEFEND) sa implementasyon ng Executive Order No. 02 o Freedom of Information na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Hulyo.
Ayon kay Ellecer Carlos – tagapagsalita ng iDEFEND, hindi magiging epektibo ang layunin ng FOI dahil maraming exceptions sa pagpapatupad nito.
Dahil dito, patuloy aniyang kaduda-duda ang pangakong pagbabago ng administrasyon sa bansa kung hindi rin ganap na maipapatupad ang Freedom of Information.
“Ang dami kasing exceptions dyan eh, na-water-down siya ng husto so dyan sa Freedom of Information we have, we really have serious doubts whether meaningful change can take place…” Ang bahagi ng pahayag ni Ellecer Carlos – tagapagsalita ng iDEFEND sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, higit isang linggo lamang mula ng magsimula ang implementasyon ng FOI noong ika-25 ng Nobyembre, umaabot na sa 140 ang request na natatanggap ng FOI Portal ng pamahalaan, at apat pa lamang dito ang naaaprubahan.
Ayon sa tala ng Presidential Communications Office, sa bilang na ito mula sa 15-state agencies ay tanging ang PCO at ang Department of Budget and Management (DBM) pa lamang ang nag-aapruba ng tig-dalawang data request para sa kanilang ahensya.
Sa tala, nangunguna ang Department of Transportation sa may pinakamadaming data request na 23 na sinundan naman ng Department of Health na may 17, Department of Information and Communications Technology na may 15 at ng Philippine National Police at Philippine Statistics Authority (PSA) na may tig-13 data request.
Nauna ng pinasalamatan ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity si Pangulong Duterte sa pagtupad nito sa isa sa kanyang pangako noong panahon ng kampanya na paglagda sa Executive Order kaugnay ng FOI na layuning maibalik ang kredibilidad sa pamamahala ng mga opisyal ng bansa.