157 total views
Hindi kailanman matatama ang kamalian sa paglikha ng maling solusyon.
Ito ang inihayag ni CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People chairman at Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, at Radio Veritas President Father Anton CT Pascual sa direktiba ng Department of Health na pamamahagi ng condoms sa mga kabataan sa loob ng eskuwelahan sa susunod na taon.
Ayon kay Bishop Santos, pinababa ng DOH ang moralidad ng mga kabataan at lalong iminumulat sa premarital sex.
Iginiit ng obispo na mapipigilan lamang ang pagdami ng mga kabataang maagang nabubuntis at nagkakasakit ng HIV/AIDS kung mabibigayn sila ng sapat na edukasyon at magabayan sa tamang paggamit ng cellphones, internet at social media.
Pinayuhan din ng Obispo ang mga magulang na disiplinahin ang mga anak sa responsableng paggamit ng mga gadgets sa pamamagitan ng pagbibigay ng curfews.
“You cannot correct a mistake by making a mistake. Giving condoms or pills is just encouraging immoralities and illicit affairs. To prevent teenage pregnancy is to educate our youth, safeguard them from social media promoting sex and violence, be strict to them like giving curfew or the use of internet and cellphones,” pahayag ni Bishop Santos sa panayam Veritas Patrol.
Iginiit ni Father Pascual na ang pinakamabisang panlaban sa paglaganap ng sakit na HIV-AIDS ay ang “ABC”.
Ito ay ang “A-Abstinence from sex outside marriage; B-be faithful to one another when married at C-conversion of heart to the value of love and sacredness of sex as a gift of God in marriage.
Ang pagiging epektibo ng “ABC” laban sa HIV-AIDS ay napatunayan sa Africa kung saan isang bata o isang lalaki o isang babae ay namamatay kada 10-seconds sa kabila ng pagbuhos dito ng 2.3-bilyong condoms mula taong 1998 hanggang sa kasalukuyan.
Inihayag ni Dr.Edward Green, isang medical anthropologist at senior research scientist ng Harvard School of Public Health na sa issue ng “The Lancet”,isang kilalang British medical journal noong November 7, 2004, nagkakaisa ang may 150-World leading AIDS scientist at iba pang eksperto sa AIDS prevention and treatment na ang “condom” ay hindi lunas o “magic bullet”kundi lalong magpapalaganap sa sakit.
Pinatunayan din ni Dr. Green na tama ang naging pahayag ni Alfonso Lopez Cardinal Trujillo,pangulo ng Vatican Pontifical Council for the Family na ang pag-asa sa condom para makaiwas sa kamatayan ay tulad ng paglaro ng “Russian roulette” kung base sa pagtaya ng United Nations na 65-milyong tao ang mamatay sa AIDS pandemic sa taong 2020.
Inihalimbawa ni Dr.Green ang tagumpay ng ABC program ng Uganda kung saan bumaba ng 70-percent ang HIV infections dahil nagkaroon ng 60-percent na reduction sa casual sex o pagsunod ng mamamayan sa Abstinence at pagiging tapat sa asawa.
Naging epektibo din sa Kenya, Zimbabwe at Malawi ang ABC program kung saan bumaba ng 6-percent mula sa 21-percent ang HIV infections.
Samantala mula nga sa datus ng Department of Health, 25 Filipino kada araw ang nagkakaroon ng sakit na HIV/AIDS mula noong Mayo ngayong taon.
Sa panig naman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant Peoples patuloy nilang binibigyan ng counseling at nililingap ang ilan sa mga overseas Filipino workers na may sakit na HIV/AIDS dahil sa pang – aabuso.