1,375 total views
Tiniyak ng Department of Foreign Affairs ang kagya’t na pagkilos ng pamahalaan ng Pilipinas upang matiyak ang kaligtasan ng mga Filipinong nasa Sudan.
Sa panayam ng Radyo Veritas, inihayag ni DFA undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Eduardo Jose De Vega, 156 mula sa 700 mga Filipino ang inilikas na papuntang embahada ng Pilipinas sa Cairo, Egypt.
Inihayag din ng opisyal na karamihan sa 300 na nais din lumikas sa Sudan ay mga mag-aaral na Filipino sa mga Islamic School sa nasabing bansa. “We started the repatriation efforts po, kahapon may isang bus na lumabas na may kasamang singkwentang estudyante noh. Students. We assured yung mga kamaganak, yung mga kababayan, na we’re doing what we can,” ayon kay De Vega.
Ikinagalak ni De Vega na ang repatriation ng mga Filipino ay nataong umiiral ang 72-hours ceasefire sa pagitan ng pamahalaan at paramilitary group.
Sinabi pa ng opisyal na malaking bilang pa rin ng mga manggagawa sa Sudan ang nais na manatili sa bansa at maghihintay hanggang sa matapos ang kaguluhan.
“So, di lahat gustong umuwi. Walawala pang kalahati ang gustong umuwi. ‘Yung iba iniintay nalang matapos yung hostility. So yung nandon, tinutulungan namin na padalhan ng cash para makabili sila ng food supplies,” dagdag pa ni De Vega.
Una na ring nanawagan sa mananampalataya ang migrants ministry ng Catholic Bishops Conference of the Philippines para kaligtasan ng mga Filipino sa Sudan at ng mga mamamayang naiipit sa digmaan.