2,143 total views
Nananawagan ang Alyansa Tigil Mina sa mga kumpanya ng mga sasakyang pandagat na sangkot sa magkakasunod na aksidente sa karagatan ng Pilipinas sa nakalipas na linggo.
Ayon kay ATM National Coordinator Jaybee Garganera, dapat panagutan ng mga kumpanya ang idinulot na pinsala ng mga nangyaring insidente sa karagatan sa buhay ng mga biktima at kalikasan.
“[We call on] proper compensation to the victims as well as an immediate impact assessment of the incidents on the coastal resources and coral reefs.” pahayag ni Garganera.
Tinukoy ni Garganera ang nangyaring banggaan sa pagitan ng 140-meter dredger MV Hong Hai 189 at 183-meter MT Petite Soeur noong ika-28 ng Abril, at kumitil sa buhay ng dalawang tauhan habang tatlo naman ang nawawala.
Sampung araw bago ito mangyari ay sumadsad naman ang Chinese-flagged bulk carrier MV Zhe Hai 168 sa dalampasigan ng Barangay Sulangan, Guiuan, Eastern Samar.
Iginiit ni Garganera na dapat nang mamagitan ang pamahalaan sa insidente lalo na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil ang nabanggit na mga sasakyang pandagat ay may kaugnayan sa ilegal na pagmimina at pagbubungkal sa karagatan sa bansa.
Hinamon ng ATM ang DENR na magpatupad ng moratoryo sa mga nasabing ilegal na gawain habang iniimbestigahan ang insidente.
“The recent maritime accidents should prompt the DENR to closely monitor ore shipment and dredging vessels. We call on the agency to impose a moratorium on these activities until a thorough evaluation is conducted.” ayon kay Garganera.
Nakasaad sa Laudato Si’ ni Pope Francis ang kahalagahan ng pagiging mapagmatyag ng taumbayan upang matiyak na wasto at may moral na pamantayan ang pamahalaan sa mga ipinapatupad na batas para sa kalikasan.