424 total views
Mga Kapanalig, kinuwestyon ni Senadora Risa Hontiveros ang plano ng Sugar Regulatory Administration (o SRA) na ibenta sa mga Kadiwa stores ng gobyerno ang mga nakumpiska nitong smuggled na asukal. Hindi bababa sa 4,000 metriko toneladang smuggled na asukal ang gustong ipagbili ng SRA sa halagang 70 piso bawat kilo.1
Tanong ng senadora mula sa oposisyon: “bakit pagkakakitaan pa ang galing sa iligal?” Ang mas ipinagtataka pa niya, bakit daw mas mataas pa ang presyong ipapataw sa ipinuslit na asukal gayong mura naman itong mabibili mula sa ibang bansa. Halimbawa, kung ang inaangkat na asukal mula sa Thailand ay nasa halos 65 piso lamang, bakit gagawin itong 70 piso sa mga Kadiwa stores? Salungat daw ito sa layunin ng mga Kadiwa stores na mag-alok ng mga produkto sa mas abot-kayang halaga. Parang pinagkakitaan pa raw ng gobyerno ang smuggled na asukal. Dagdag pa ni Senadora Hontiveros, bagamat tutol siyang sirain ng Bureau of Customs ang ipinuslit na asukal gaya ng ginagawa nito sa mga nasasabat na smuggled goods, hindi rin tamang ibenta ito ng gobyerno sa mas mahal na presyo. Mas mainam pang ipamigay ang asukal sa mga kababayan nating nangangailangan o biktima ng mga kalamidad na tinutulungan naman ng DSWD.2
Sa huli, pagdidiin ni Senadora Hontiveros, ang mas dapat sugpuin ng gobyerno ay ang aniya’y pribadong kartel na tila ba sinasamantala ang pagpabor sa kanila ng pamahalaan. Binubuo raw ng tatlong importers ng asukal ang kartel na ito, at sinasabing may koneksyon sila sa malalaking tao sa gobyerno. Ang kanilang pag-aangkat ng asukal ay ang nakikitang paraan ng gobyerno upang pababain ang halaga ng asukal sa mga pamilihan, ngunit sa katunayan ay mas kumikita pa ang mga sugar traders na ito.
Paano ito nangyayari? Bumibili sila ng murang asukal sa ibang bansa, ngunit ibebenta nila ang mga ito sa mas malaking halaga. Kung ang nabibili nilang asukal mula sa Thailand ay nasa 25 piso lamang kada kilo, ibinebenta naman nila ito rito sa ating bansa sa halagang 85 piso kada kilo. Tumutubo sila ng 24 piso sa bawat kilo.3 Tiba-tiba nga talaga ang negosyo nila! Kung totoo nga ito, baka tama ang sinabi noon ni Senadora Hontiveros na may nangyayari umanong “government-sponsored smuggling” sa bansa.4
Hindi dapat lumulusot ang ganitong mga kuwestiyonableng kalakaran sa ating gobyerno, kahit pa para sa marami sa atin, normal na ang katiwalian o kurapsyon sa ating bansa. Para sa ating Simbahan, ang kurapsyon ay pagnanakaw. Ang pag-abuso sa kapangyarihan para sa makasariling interes ay pagkiling sa kawalang-katarungan. Ang mga sangkot sa katiwalian ay lumalabag sa kanilang obligasyong itaguyod ang kabutihang panlahat, at sa pagtalikod nila sa tungkuling ito, hinahayaan nilang umiral ang hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan.5
Kung susuriin pa nating mabuti, ang kurapsyon, katulad ng lahat ng kasamaan, ay nag-uugat sa pag-ibig sa salapi, wika nga sa 1 Timoteo 6:10. Madaling nakapapasok ang mga galamay ng kasamaang ito sa mga proseso at sistema ng pamahalaan kung may mga lingkod-bayan din tayong sakim sa pera. Gamit ang awtoridad at mga koneksyong mayroon sila, ginagawa nilang kasangkapan ang pamahalaan para sa kanilang sariling ganansya, para sa kanilang pagmamahal sa salapi. Nakalulungkot—at nakagagalit—ito.
Mga Kapanalig, maging mabunga sana ang paghahanap ng katotohanan ng mga lingkod-bayan nating matapang na ginagampanan ang kanilang tungkuling tiyaking kapakanan ng mga mamamayan, lalo na ng mahihirap, ang pinagtutuunan ng pansin ng mga nasa gobyerno. Maging matatag sana sila lalo pa’t tiyak na gagawa at gagawa ng paraan ang mga tiwali upang matakasan ang kanilang pananagutan at upang magpatuloy ang mga baluktot na gawain sa ating pamahalaan, hindi lamang sa pag-aangkat ng asukal kundi sa maraming iba pa.
Sumainyo ang katotohanan.