1,083 total views
Duda ang Alyansa Tigil Mina hinggil sa binabalak ng Department of Environment and Natural Resources para sa pagbuo ng “big brother-small brother strategy” na nakapaloob sa social development at management programs (SDMP) ng mga malalaking kumpanya ng pagmimina.
Ayon kay ATM National Coordinator Jaybee Garganera na bagamat maganda ang layunin, inaasahan pa rin ang pagkakaroon ng problema sa mga patakaran at pagpapatupad nito.
Paliwanag ni Garganera na ang SDMP ay ginawa para sa kapakanan ng mga pamayanang apektado ng iba’t ibang operasyon ng pagmimina.
Kapag ginamit ito para sa kapakinabangan ng small-scale miners, aalisin nito ang pinansyal na mapagkukunan na unang inilaan para sa mga apektadong pamayanan at mga lokal na pamahalaan.
“Identifying and prioritizing a specific sector, e.g. the small-scale miners, works only to benefit a few and is a form of favoritism, while the broader whole community collectively feels the impacts of the mining project,” pahayag ni Garganera sa panayam ng Radio Veritas.
Iginiit naman ni Garganera na dapat munang patunayan ng DENR na mayroon silang malinaw na plano para sa pagsuporta at pagsasaayos ng small-scale mining sa bansa, alinsunod na rin sa Republic Act No. 7076 o ang Peoples Small-Scale Mining Act.
“Amendments to both the Philippine Mining Act or RA 7942 and RA 7076 itself, might be necessary before the government asks the large-scale miners to “share” the SDMP,” saad ni Garganera.
Aabot sa halos isang milyong ektarya ang total land area na saklaw ng pagmimina sa Pilipinas o 2.91 percent ng 30-milyong total land area ng bansa.
Sa kasalukuyan, nasa 44 ang bilang ng mining company sa bansa kung saan 37 rito ang nagsasagawa ng operasyon.
Sang-ayon naman sa Laudato Si’ ng Kanyang Kabanalan Francisco, mariin nitong tinututulan ang industriya ng pagmimina dahil nag-iiwan lamang ito ng labis na pinsala at paghihirap sa mga apektadong pamayanan.