262 total views
Kapanalig, napakahalaga ng financial literacy. Ang kaalaman ukol sa paghawak at pamamahala ng pera ay mabisang paraan upang umunlad sa buhay. Kaya lamang, ang financial literacy ay hindi nabibigyan ng sapat na atensyon sa ating bayan. Kakaunti lamang ang may sapat na kaalaman ukol dito. May mga pag-aaral na nagsasabi na 25% lamang ng ating populasyon ang may sapat na kaalaman ukol sa financial concepts.
Kailangan nating maharap ito kapanalig, lalo na ngayon tayo ay nasa digital age. Mas mabilis na ang palitan ng pera, at kung hindi tayo maagap, madali din mawala.
Ang financial literacy ay isa sa mga pangunahing pangangailangan ng ating bayan dahil marami pa rin sa ating mga mamamayan ay madaling mabudol. Hindi lamang tayo madaling mabudol sa pagbili-bili ng mga kung ano-anong trends, kapanalig. Madali din tayo mabudol ukol sa mga money-making schemes. Kaya nga marami ang nahuhulog sa mga phishing attacks online, kung saan ninanakaw ang ating mga financial information gaya ng bank accounts. Marami rin ang nahuhulog pa sa mga pyramid scheme.
Kadalasan, ang nabibiktima pa ng mga financial frauds o swindling ay mga kababayan nating naghihirap na. Kung sino pa tuloy ang mas nangangailangan, sila pa ang nawawalan. Marahil dahil sa nais na kumita agad, mas madali mapaniwala ang marami sa mga pambubudol. Upang maprotektahan ang ating mga kababayan, kailangan natin mapataas pa ang financial literacy sa ating bansa.
Maliban sa proteksyon laban sa panloloko, kailangan din natin mapataas ang ating financial literacy upang mapalago pa ang ating kita. Marami sa ating mga Filipino ang hirap makapag-impok, hindi lang dahil sa kulang sa kita, kundi dahil din kulang sa kaalaman ukol sa mga financial institutions, sa investments, at insurance.
At dahil digital na rin ang ating mundo, mas importante ang financial literacy. Kailangan natin matutunan hindi lamang ang pag-gamit ng financial apps, kailangan din natin malaman kung paano ligtas at protektado ang pag-gamit natin nito.
Ang financial literacy, kapanalig, ay responsibilidad nating lahat. Ang kaalaman ukol dito ay ating proteksyon, at kung ipagkakait natin ito sa ating mga kababayan, mahihirapan silang maka-takas sa kahirapan. Ang mababang financial literacy ng isang bayan gaya ng Pilipinas ay nagsasalamin ng kawalan ng katarungan – ang may kaalaman lamang ang may kapangyarihan, at may kalayaang pumili ng kanilang kapalaran at makilahok sa merkado. Ayon nga sa Centesimus Annus, “Ang pagsusulong ng katarungan, ng pagkakapantay pantay ng lahat, ay kongketrong ebidensya ng pag-ibig sa kapwa.” Ang ating pananalig bilang Katoliko ay dapat magtulak sa atin na tiyakin na lahat tayo ay may pantay na access sa mga kaalaman na tutulong sa atin na maabot ang kaganapan ng ating pagkatao.
Sumainyo ang Katotohanan.