327 total views
6th Sunday of Easter Mother’s Day
Act 8:5-8.14-17 1 Pt 3:15-18 Jn 14:15-21
Ngayon ay Mother’s Day. Batiin natin ang ating mga nanay ng Happy Mother’s Day. Iyong may mga nanay na nandito, halikan naman ninyo ang inyong mga nanay. (mag-antay ng kaunti) Kapag kinikilala natin ang ating mga nanay, kinikilala natin ang pag-ibig. Sa kanila natin nararamdaman ang pag-ibig. Kahit na may pagkukulang sila sa atin – at sino ba naman ang taong walang pagkukulang – kinikilala natin na dahil sa kanila, nandito tayo. Sa pagsilang nila sa atin, itinaya nila ang kanilang buhay. Ang panganganak ay isa sa pinakamapanganib sa buhay ng isang babae. Hindi lang nila tayo isinilang, sila ang nagpalaki sa atin. Sa sustansiya ng kanilang katawan – sa kanilang gatas – tayo ay nabuhay sa unang mga buwan ng ating buhay. Kahit na wala na sila sa piling natin, tulad ko na mga dalawampung taon na sumakabilang buhay ang mommy ko, kinikilala pa rin natin ang pag-ibig nila.
Pag-ibig. Iyan din ang paksa na tinutukoy ni Jesus sa ating pagbasa ngayon. Kilala natin ang pag-ibig ng Diyos sa atin, binigay niya ang kanyang bugtong na anak sa atin. Kilala natin ang pag-ibig ni Jesus na atin, namatay siya sa krus para sa atin. Kaya kapag pinag-uusapan natin ang pag-ibig kilalanin natin una sa lahat ang pag-ibig ng Diyos. Siya ang unang nagmahal. Sa kanya nanggagaling ang lahat ng pagmamahal. Ang pag-ibig ng ating mga nanay ay galing sa pag-ibig ng Diyos. Ipagdasal natin sa Diyos na mapahalagahan natin kung gaano niya tayo kamahal, gaano niya ako kamahal!
Dahil sa mahal ako ng Diyos gusto ko rin siyang mahalin. Mabuti na lang at sinabi niya paano natin siya mamahalin. Hindi na natin ito huhulaan pa. Maliwanag ang sinabi siya: “Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos.” Diniin pa niya: “Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad nito ang siyang umiibig sa akin.” Noong panahon ng mga Romano may kaugalian sila na nagpapadala ng kanilang luha sa isang maliit na lalagyan upang ipaabot at ipadala ang pag-ibig nila. Para kay Jesus hindi nasusukat ang pagmamahal sa luha na ibinuhos natin. Ngayon, may mga awit at mga tula na nagsasabi na ang pag-ibig ay nararamdaman sa bilis ng pantig ng ating puso. Hindi iyan ang tunay na sukatan ng pagmamahal para kay Jesus.
Gawin natin ang kanyang utos – iyan ang sinabi niya. At ano ang utos niya? Magmahalan tayo tulad ng pag-ibig niya sa atin. Ang ating pag-ibig sa Diyos ay napapahiwatig natin sa pag-ibig sa ating kapwa, lalo na sa kapwa na hindi kaibig-ibig. Kaya sinabi niya: “Kung ang nagmamahal sa inyo ang siya lamang ninyong mamahalin, anong gantimpala ang inyong maaasahan? Ginagawa din iyan ng mga makasalanan. Kung ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong babatiin, ano ang ginagawa ninyong higit kaysa iba? Ginagawa din iyan ng mga pagano.” Kaya mahalin natin ang hindi natin kaano-ano. Mahalin natin ang kaaway. Mahalin natin sila hindi dahil sa mabuti sila sa atin. Mahalin natin sila kasi mabuti sa atin ang Diyos, kasi mahal tayo ng Diyos! Sa ganitong paraan natin napapakita ang pag-ibig natin sa Diyos.
Kaya kaya natin ito? Mahirap na nga magmahal sa ating pamilya, sa iba pa kaya? Kaya nga nangako si Jesus na magpapadala siya sa atin ng isa pang katulong, ng isang patnubay na magiging kasama natin. Ipapaalaala niya sa atin ang mga aral ni Jesus at bibigyan niya tayo ng kakahayan na ito ay magawa. Iyan ay ang Espiritu Santo na sasaatin at mananahan sa atin.
Sa ating unang pagbasa, nabalitaan ng mga apostol sa Jerusalem na ang mga Samaritano sa Samaria ay bukas loob na tinanggap ang mabuting balita dahil sa pahayag ng diyakonong si Felipe. Pumunta doon si Pedro at si Juan at nasaksihan nila ang magandang pagtanggap ng mga Samaritano sa balita tungkol kay Jesus. Pero nabinyagan pa lang sila at hindi pa nila natanggap ang Espiritu Santo. Kaya pinagdasalan nila sila at ipinatong ang kanilang kamay upang matanggap din nila ang Espiritu Santo. Kung sa atin pa, nabinyagan lang sila pero hindi pa nakumpilan. Kailangan din nila ang Espiritu Santo upang maisabuhay nila ang kanilang binyag. Kailangan din nating lahat ng kumpil. Sana ang mga hindi pa nakumpilan dito ay magpakumpil na rin. Ayaw ba ninyo na manahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos?
Sa taon ng simbahan, sa loob ng pitong linggo ng Muling Pagkabuhay pinapahayag sa atin ang bagong buhay na tinanggap natin noong nakiisa tayo sa muling pagkabuhay ni Jesus. Magtatapos itong panahon ng pagkabuhay sa pagbaba ng Espiritu Santo sa kapistahan ng Pentekostes. Ngayon na alam na natin paano mabuhay bilang mga binyagan, pinapaalaala sa atin na nandiyan din ang Espiritu Santo na ibinigay sa atin upang bigyan tayo ng kakayahan na isabuhay ang bagong buhay na binigay ng binyag.
Ang Espiritu Santo ay lakas at liwanag. Kailangan natin ito sa ating panahon na hinahamon tayo sa ating pananampalataya. Marami ang komokontra sa atin. Marami ang ignorante tungkol sa pananampalataya, kahit na sa mga katoliko na. Ang kuwento sa akin ng mga nagbibigay ng Banal na Aral na marami silang natuturuan na mga matatanda na hindi pa marunong kahit na mag-antanda ng krus. Marami pa nga na nag-aantanda nga ng krus pero hindi alam kung ano ang ibig sabihin nito, kaya kung anu-anong na lang ang pagkilos na ginagawa ng kamay sa kanilang dibdib. Hindi na mukhang krus! Nagbubugaw na lang ng langaw!
Kailangan talagang magpaliwanag tayo tungkol sa pananampalataya. Kaya nga sinulat ni Pedro sa ating ikalawang pagbasa: “Humanda kayong palagi na magpaliwanag sa sinumang nagtatanong sa inyo tungkol sa inyong pag-asa,” at ganoon din sa ating pananampalataya. Pero gawin natin ang pagpapaliwanag na ito na hindi paaway, lalo na kung nararamdaman natin na tayo ay pinipilosopo na lang. Gawin natin ng mahinahon at mapitagan ang ating pagpapaliwanag. Kahit na tayo ay alipustahin hindi tayo lalaban. Ipakita natin sa kanila ang pagmamahal. Hindi ito madali, kaya nga kailangan natin ang Espiritu Santo! Siya ang magbibigay sa atin ng kakayahan na matularan si Jesus na namatay para sa atin upang iharap tayo sa Diyos kahit na nandiyan ang hindi pagtanggap sa kanya.
Mahalin natin si Jesus. Sobra ang pagmamahal niya sa atin. Mahalin natin siya sa pagsunod sa kanyang mga utos. Ang utos niya ay mahalin natin ang ating kapwa kahit na iyong makulit at galit sa atin. Kaya natin ito, ibinigay ni Jesus ang kanyang Espiritu Santo na nananahan sa atin upang tayo ay liwanagan at palakasin sa ating paglalakbay sa landas ni Jesus.