2,030 total views
Pinalalakas ng Diocesan Shrine and Parish of San Isidro Labrador sa Pulilan Bulacan ang mga munting pamayanan bilang bahagi ng ebanghelisasyon.
Sa panayam ng Radio Veritas kay shrine Rector at Parish Priest Fr. Dario Cabral sinabi nitong malaki ang ginagampanan ng pandiyosesanong dambana sa pagpapatatag ng simbahan ng Diocese of Malolos sa pamamagitan ng Basic Ecclesial Communities.
“Ang ginagawa natin dito sa shrine ay pinasisigla natin ang pagtatatag ng mga BEC sa bawat lugar; layunin natin ay pasiglahin ang Basic Ecclessial Communities program ng ating diyosesis at sa pamamagitan nito ay malaking bahagi ang pandiyosesanong dambana sa pamamansag ng mabuting balita,” pahayag ni Fr. Cabral sa Radio Veritas.
Ibinahagi ng pari na sa inspirasyon at tulong ni San Isidro Labrador kasalukuyang nasa 36 na BECs na ang naitatag sa nakalipas na tatlong buwan kung saan target nitong maabot ang 250 munting pamayanan sa pagtatapos ng 2023.
Ayon kay Fr. Cabral, bahagi ng pagpapalago ng debosyon ng pintakasi ng mga magsasaka ang pamamahagi ng healing oil lalo na sa mga may karamdaman.
“Every Monday mayroong healing at distribution ng blessed oil. Ibinahagi ang blessed oil sa pamamagitan ng pagpapahid sa palad ng mananampalataya na siya namang ipapatong sa ulo ng nangangailangan tulad ng mga maysakit,” ani ng pari.
Sa pagdiriwang ika – 229 na kapistahan ng dambana muli itong makatatanggap ng first class relic ni San Isidro Labrador mula sa Real Colegiata Iglesia sa Madrid, Spain kung saan nakalagak ang incorruptible remain ng santo.
Ikinagalak ni Fr. Cabral na isa ang dambana sa napili ni Madrid Archbishop Cardinal Carlos Osoro Sierra na muling pagkakalooban ng first class relic ng santo kung saan natanggap din ng dambana noong nakalipas na taon ang unang relikya sa pagbukas ng jubilee year sa 400th canonization ng banal.
“Inaanyayahan ko ang lahat na dumalaw dito sa ating diocesan shrine at tanggapin ang mga pagpapala tulad ng plenary indulgence,” ani Fr. Cabral.
Isa sa mga tampok na gawain tuwing kapistahan ng Pulilan Bulacan ang ‘Kneeling of Carabao’ kung saan ipinuprusisyon ang mga kalabaw at luluhod sa harap ng simbahan.
Pinangunahan ni Malolos Bishop Dennis Villarojo ang misa konselebrada sa araw ng kapistahan kasama si Fr. Cabral, Fr. Patrick Gumasing ang parochial vicar ng parokya at mga bisitang pari.