376 total views
Mga Kapanalig, sa isang panayam habang bumibisita sa Estados Unidos, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr na mayroong mga pang-aabusong nangyari habang ipinatutupad ng sinundan niyang administrasyon ang “war on drugs” nito. Masyado raw kasing naka-focus ang administrasyong Duterte sa law enforcement o sa pagpapatupad ng batas. At dahil dito, masasabi raw na umabuso ang ilang elemento ng gobyerno na siya namang ikinabahala at pinupuna ng mga nagtataguyod ng karapatang pantao sa bansa.
Maliban sa pagkilala sa mga sinasabing pang-aabuso ng mga tagapagpatupad ng batas, sinabi rin ni PBBM na iligal na droga pa rin daw ang patuloy na nasa likod ng kriminalidad sa Pilipinas. Mas naging malakas, mas mayaman, at mas maimpluensya pa nga raw ang mga sindikato. Ang pagpapahina raw mga sindikatong ito ang tinututukan ngayon ng kanyang administrasyon, at kabilang rito ang paglilinis sa kapulisang tila hindi tinatantanan ng mga akusasyong isinasangkot sila sa pagkalat pa rin ng ipinagbabawal na gamot.
Kung sinsero si PBBM sa mga sinabi niyang ito at kung paninindigan niya ang mga ito, sinasalungat niya ang ipinagmamalaking mga tagumpay ng nakaraang administrasyon sa pagpapatupad nito ng war on drugs. Maliban sa pagkilala sa mga pang-aabusong ginawa ng mga nagpatupad ng marahas na programang iyon, sinasabi rin niyang naging bigo pa ang giyera kontra droga na pigilan ang mga sindikato.
Pero baka hanggang salita lang ang mga ito.
Sa kabila kasi ng mga pang-aabuso at ng pagpapatuloy ng mga sindikato, hindi pa rin daw makikipagtulungan ang administrasyong Marcos, Jr sa International Criminal Court (o ICC). Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang ICC sa mga sinasabing “crimes against humanity” na bunga ng giyera kontra droga ni dating Pangulong Duterte. Minsan nang umapela ang kasalukuyang administrasyon sa ICC para sa mga desisyon nitong hindi paborable sa ating bansa. Nakiusap na rin itong ihinto ng ICC ang pag-iimbestiga.
Ang gobyerno, ayon nga sa mga panlipunang turo ng Simbahan, ay may tinatawag na positive moral function. Isa itong instrumento upang itaguyod ang dignidad ng tao, protektahan ang mga karapatang pantao, at gawin ang lahat upang itaguyod ang kabutihang panlahat o common good. Sa pagganap sa tungkuling ito, tinutulungan ng gobyerno ang mga mamamayang gawin din ang kanilang mga responsibilidad sa kanilang kapwa sa lipunang kinabibilangan nila.
Sa isyu ng giyera kontra droga, kung seryoso ang administrasyong Marcos Jr na gampanan ang positive moral function ng gobyerno, hindi kaya dapat magtugma ang mga sinasabi ng pangulo sa mga ginagawa at gagawin pa nitong mga hakbang?
Kung itinataguyod nito ang dignidad ng mga Pilipino, hindi kaya dapat itong gumawa ng paraan upang magawaran ng katarungan ang mga kababayan nating pinagkaitan ng pagkakataong ipagtanggol ang kanilang mga sarili sa harap ng batas?
Kung tunay na pinahahalagahan nito ang karapatang pantao, hindi kaya dapat itong tumulong sa mabilis na pagresolba sa mga kaso ng pang-aabuso at papanagutin ang mga nasa likod nito?
Kung kabutihang panlahat ang layunin ng pamahalaan natin, hindi kaya dapat nitong panigan ang mga walang kalaban-laban sa karahasang ginawa at ginagawa ng mga awtoridad?
Malaki ang magagawa ng kasalukuyang administrasyon upang maipakita nitong tunay na kumikiling ito sa taumbayang pinangakuan nitong paglingkuran. Malaki ang magagawa nito upang gawin ang ipinapaalala sa Mga Kawikaan 31:8-9 na ipagtanggol ang mga ‘di makalaban, ipaglaban ang kanilang karapatan, at igawad ang katarungan sa mga api.
Gayunman, mga Kapanalig, hindi maiaalis ang mga pagdududa kung kaya ni PBBM na lampasan ang pamumulitika upang tunay na maging kakampi ang kanyang administrasyon ng mga biktima ng sinasabi nitong pang-aabuso sa ilalim ng giyera kontra droga. Kilos—higit sa salita—ang kailangan nating makita.
Sumainyo ang katotohanan.