684 total views
Mga Kapanalig, ipinasá noong isang linggo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill No. 7751 o ang panukalang Department of Health Specialty Centers Act.
Kapag maisabatas ito, magtatayo ang gobyerno ng mga tinatawag na specialty centers sa mga ospital na pinangangasiwaan ng Department of Health (o DOH). Author ng nasabing panukalang batas si House Speaker Martin Romualdez, at aniya, makatutulong ang mga specialty centers upang maging mas madali ang pag-access ng ating mga kababayan, lalo na ang mahihirap, sa mga serbisyong kadalasan ay nandito lamang sa Metro Manila. Kabilang sa mga specialty hospitals na mayroon tayo ay nasa Quezon City, katulad ng Philippine Heart Center, National Kidney and Transplant Institute, at Lung Center of the Philippines.
Paglilinaw ni Speaker Romualdez, ang mga specialty centers na itatayo sa labas ng Metro Manila ay hindi inaasahang maging kasinlaki ng mga binanggit nating ospital. Gaya ng nabanggit kanina, ilalagay ang mga centers na ito sa mga pilíng ospital ng DOH. Kapag pormal nang maging batas, itatakda ng DOH Specialty Centers Act ang pagtatayo ng isa o higit pang specialty centers sa bawat rehiyon sa loob ng limang taon. Kabilang sa labimpitong specialties na ihahatid sa mga pasilidad na ito ang cancer care, cardiovascular care, lung care, renal care and kidney transplant, at mental health.
Magandang balita ito, mga Kapanalig. Tiyak na makatutulong ang pagtatayo ng mga specialty centers sa pagsasakatuparan ng pangunahing layunin ng Universal Health Care Law na mabigyan ang mga Pilipino ng dekalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan. Sa pamamagitan din ng mga specialty centers, hindi na mangangailangang bumiyahe pa nang malayo at gumastos nang malaki ang mga kababayan nating naghahanap ng lunas sa kanilang karamdaman. Isa rin itong hakbang na sang-ayon sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan. Sa Pacem in Terris, halimbawa, binibigyang-diin ang karapatan sa pagkakaroon ng mga paraan upang makamit ang maayos at malusog na buhay, at kabilang nga rito ang pangangalagang medikal o medical care.
Maging kasabay din sana ng ganitong mga programa ang pag-abot sa mga kababayan nating nangangailangan ng medikal na atensyon ngunit nasa malalayong lugar. Ayon nga sa pag-aaral na ginawa ng Philippine Institute for Development Studies (o PIDS) at inilabas noong 2020, “highly uneven” o lubhang hindi pantay ang supply ng mga health workers katulad ng mga nars, mga physicians, at midwives. Karamihan sa kanila ay nasa mga lungsod kung saan matatagpuan ang maraming ospital at pribadong clinics. Bihirang-bihira ang mga nagtatrabaho sa mga malalayong sitio at barangay, lalo na sa mga komunidad ng mga katutubo. Kahit nga sa mga lungsod ay may kakulangan ng mga health workers—hindi sapat ang bilang nila sa tinatayang 75% ng mga lungsod at bayan sa bansa, ayon pa sa PIDS.
Ngunit paano natin mahihikayat ang ating mga health workers na maglingkod sa malalayong lugar kung kahit sa mga opsital at pasilidad na pinagtatrabahuhan nila ay kulang na kulang ang kanilang sahod at mga benepisyo? Patuloy pa nga ang pangingibang-bansa ng marami sa kanila. Bagamat kahanga-hanga ang mga doktor, nars, at midwives na pinipiling maghatid ng serbisyong pangkalusugan sa kanayunan, hindi ito pangmatagalang solusyon sa kakulangan ng mga health workers sa mga lugar na ito.
Sa huli, mga Kapanalig, hindi sapat ang pagpapatayo ng mga pasilidad upang tulungan ang mga maysakit, ang mga kapatid nating nangangailangan ng manggagamot, wika nga ni Hesus sa Mateo 9. Mataas ang demand para sa mahusay na serbisyong pangkalusugan, ngunit kulang na kulang ang supply ng mga magbibigay-lunas at tagapaghatid ng serbisyong medikal. Ito rin sana ang tugunan ng pamahalaan upang makamit natin ang serbisyong pangkalusugang para sa lahat.
Sumainyo ang katotohanan.