1,834 total views
Inilunsad ng Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC) ang Matthias 325 para sa itinatayong Disaster Resilience Center (DRC) ng Arkidiyosesis.
Ayon kay LASAC Director Fr. Jazz Siapco, ang gusali ang magiging sentro ng pagsasanay ng mga Batangueño sa paghahanda sa mga paparating na kalamidad at sakuna.
“Ito’y isang mekanismo sa Arsidiyosesis para suportahan ang paghahanda hindi lamang sa Batangas, kun’di pati na rin sa buong rehiyon sa mga posibleng sakuna. Kaugnay ito sa sustainability efforts sa ating legacy project–ang Disaster Resilience Center,” pahayag ni Fr. Siapco.
Ginanap ang paglulunsad noong Mayo 14, kasabay ng kapistahan ni Apostol San Matias at paggunita sa araw ng mga Ina.
Paliwanag ni Fr. Siapco na balak ng proyektong Matthias 325 na makalikom ng tatlong milyong pisong pondo sa loob ng dalawang buwan.
Target ng proyekto na makahikayat ng limang donors na magkakaloob ng tig-P100,000, 20 donors na magbibigay ng tig-P50,000, 60 donors para sa tig-P10,000, 100 donors para sa tig-P5,000, at 140 donors naman na magbibigay ng tig-P3,000.
Binubuo nito ang 325 donors para maabot ang target na tatlong milyong piso.
“Gaya ng pagkalinga ng isang ina sa kanyang anak, ang Arsediyosesis ng Lipa ang kakalinga at lalapit sa atin sa mga panahon ng sakuna, gayundin sa ating posibleng maging pagtama ng ‘The Big One’ sa Kamaynilaan,” saad ni Fr. Siapco.
Paraan din ito ng Arkidiyosesis ng Lipa upang magpasalamat sa Poong Maykapal sa patuloy na paggabay sa lalawigan ng Batangas tulad noong nagligalig ang Bulkang Taal at lumaganap ang coronavirus pandemic.
Nagsimula ang pagtatayo sa LASAC-DRC noong Enero 2023 at inaasahang matatapos sa loob ng anim na buwan.