1,646 total views
Umapela ang pamunuan ng Basilica Minore del Sto.Niño de Cebu na bigyang sapat na paggalang ang batang Hesus.
Ito ang mensahe ng mga Agustinong pari makarang mag-viral sa social media ang paggamit sa vestment ng Sto. Niño ni Binibining Pilipinas contestant Joy Dacuron bilang national costume.
Ayon sa pahayag ng Agustinian priests, bagamat maraming paraan sa pagpapahalaga at pagpapakita ng debosyon ay dapat isagawa ito nang may pagpaparangal.
“Despite the many expressions of faith and devotion towards the Sto. Niño, it is also important to keep in mind the appropriateness of our actions. As Cebuano Catholics, the Sto. Niño has a profound religious and cultural importance to us. Let us approach and treat the Sto. Niño with reverence and respect in order to avoid conflict and misunderstanding,” bahagi ng pahayag ng Basilica.
Batid ng mga pari na sa kapistahan ng batang Hesus tuwing Enero ay maraming mga bata ang sinusuotan ng damit ng Sto. Niño subalit ito ay paraan ng pagtuturo sa mga bata sa kahalagahan ng debosyon.
Naniniwala ang mga misyonero na ang pagdadamit ng mga magulang sa kanilang mga anak tuwing kapistahan ay bahagi ng pagtuturo sa pananampalataya gayundin ang paraan upang higit mailapit ang kanilang mga anak kay Hesus.
“The wearing of Sto. Niño vestment to children is one of the expressions of faith by parents in order to help them understand and grow their faith to the Child Jesus. Children are the direct manifestations of the Holy Child—special blessings that hold the family together,” anila.
Ipinaliwanag naman ng kampo ni Dacuron na ang pagsuot ng vestment ng Sto. Niño bilang national costume ay pagkilala sa malalim na pananampalataya ng mga Cebuano sa batang Hesus gayundin ang pasasalamat sa paggabay ng patron kay Dacuron.
Nilinaw naman ni Cebu Auxiliary Bishop Ruben Labajo na hindi ipinagpaalam ng kampo ni Dacuron na gamitin bilang national costume ang damit ng Sto. Nino kundi ang pagpakuha lamang ng litrato sa harapan ng basilica ng Sto. Nino.
Kilala ang Sto. Nino sa Cebu bilang isa mga malalaking pista sa bansa na dinadayo ng milyong deboto at maging mga turistang lokal at dayuhan tuwing Sinulog Festival.
Ang imahe ng batang Hesus ay handog ng mga dayuhang nagpalaganap ng kristiyanismo sa Pilipinas 500 taon ang nakalilipas.